Senado, ipagtatanggol si Sen. Bato laban sa ICC

Senado, ipagtatanggol si Sen. Bato laban sa ICC

NAKAHANDANG ipagtanggol ng Senado si Senator “Bato” dela Rosa laban sa International Criminal Court (ICC).

“Unless there was an actual warrant of arrest from a local court, we cannot give him up,” saad ni Sen. Juan Miguel Zubiri, Senate President.

Ito ang tiniyak ni Senate President Juan Miguel Zubiri sakaling maglalabas ng arrest warrant ang ICC laban sa kapwa nito na senador.

Sinabi ni Zubiri na hindi masusunod ang pagpapa-aresto kay Sen. Bato dahil walang jurisdiction ang ICC sa Pilipinas.

“He will be accorded with the protection of the Senate unless he is proven guilty,” dagdag ni Zubiri.

Dagdag din ni Zubiri na dahil gumagana naman ang justice system sa bansa ay kailangan i-respeto ng ICC ang desisyon ng lokal na korte kaugnay sa kaso ni Sen. Bato.

Si Bato ay co-accused ni dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte sa kasong crime against humanity sa ICC dahil sa umano’y serye ng pagpatay kaugnay sa kampanya ng nakaraang administrasyon kontra droga.

“Kasi ang dapat mag take custody nyan is the local courts. Ganun yan. PagB naghahabol sila ng other personalities from other countries, the ICC will always work with local courts. With the local authorities,” ayon pa kay Zubiri.

Kamakailan lang ay binasura ng ICC appeals chamber ang apela ng Pilipinas laban sa authorization ng Pre-Trial Chamber ng ICC na ituloy ang investigation ng drug killings.

Para kay Sen. Bato ay hindi ito dapat ikabahala. Ipinagtataka rin ni Sen. Bato kung bakit ipinipilit ng ICC na imbestigahan ang War on Drugs ng nakaraang administrasyon gayong hinahanap-hanap o gusto naman ng mga tao ang pamamahala ng dating Pangulong Duterte batay sa mga survey.

“Ang Pilipino hinahanap si Pangulong Duterte, hinahanap ang kanyang mga war on drugs. Etong mga taga labas na hindi Pilipino ay gusto tayong rendahan o diktahan. Baka iniisip nila na tayo ay kanilang kolonya,” pahayag ni Sen. Ronald “Bato” dela Rosa.

Sa isa namang pahayag ay sinabi ni Sen. Bong Go na hindi dapat nangingialam ang ICC sa Pilipinas dahil sa gumagana naman ang mga korte dito. Kahit sa pulitika ay hindi rin sila dapat makialam.

“Pilipino dapat ang humusga kung mas nagiging ligtas na ba sila ikumpara noong hindi nasimulan ang kampanya laban sa iligal na droga. Sila ang tanging nakakaalam kung nakakalakad sila at ang kanilang mga anak na mas ligtas at hindi nababastos at nasasaktan,” diin ni Sen. Bong Go.

Naniniwala rin si Go na tapos na ang mga panahon na kailangan pang diktahan ng mga banyaga ang mga Pilipino kung paano pamamahalaan ang ating mga sarili.

 “Any misguided claims suggesting otherwise would only highlight ICC’s persistent disregard for Philippine sovereignty. It is important to note that a foreign entity has no authority to investigate the administration of former President Rodrigo Duterte,” wika ni Sen. Francis Tolentino.

Ipinaliwanag din ni Sen. Francis Tolentino na ang pagbasura ng apela ng Pilipinas ay hindi nagbibigay ng jurisdiction sa ICC sa kaso.

 

Follow SMNI NEWS on Twitter