INATASAN ng Inter Agency Task Force o IATF ang mga bangko, financial institutions, at pension-issuing agencies na magkaroon ng alternatibong modes of validation para sa senior citizens pensioner kaugnay ng pagkuha ng kanilang pensyon.
Ito ang inanunsyo ni Presidential Spokesman Harry Roque batay sa napagkasunduan ng IATF sa isinagawang pagpupulong kung saan hindi na mandato para sa senior citizens pensioners na pumunta pa sa bangko o pension-issuing agencies.
Ani Roque, dati-rati ni-rerequire ang personal na pagtungo ng mga ito sa naturang financial institutions.
“Sa ngayon po kinakilangan magpakita ng personal o magsumite ng mga dokumento ng personal ang mga senior citizen para patuloy nilang ma-access ang kanilang pension,” pahayag ni Roque.
Kasunod nito, inatasan ang mga kaukulang ahensiya ng gobyerno na mag-isyu ng memorandum circulars sa pagpapatupad ng alternative validation simula Marso 1.
Ang hakbang ay para na rin sa kaligtasan ng mga senior citizen sa gitna ng patuloy na banta ng COVID-19.
“Alam naman natin na tayo ngayon ay nasa gitna ng pandemiya at ang mga seniors ay isa sa high-risk at vulnerable sa COVID-19. Para matiyak ang kanilang kalusugan at kaligtasan, inaprubahan ng resolusyon na ito na hindi na sila kinakailangan na magkaroon ng personal appearance sa mga bangko at iba pang institusyon para makuha lamang ang kanilang mga pension,” ayon kay Roque.
Maliban dito, inaprubahan din ng IATF ang pag-amyenda sa polisiya kaugnay ng mass gatherings sa mga lugar na nasa ilalim ng General Community Quarantine o GCQ, na nakikita sa Omnibus Guidelines on the Implementation of Community Quarantine in the Philippines.
Nirebisa rin ng IATF ang nagdaang resolusyon, ang IATF Resolution No. 98, kung saan tinanggal ang reckoning period of March 2020 sa visas para sa foreign nationals na pinapayagang makapasok sa Pilipinas.
“Sa ngayon sa IATF resolution, the following shall be included, added to the list of foreign nationals allowed to the Philippines:
-those with valid and existing visas at the time of entry and who were not permitted to enter the country under previous IATF resolutions, and holders of valid and existing special resident and retiree’s visas and Section 9A visas provided they present an entry exemption document to the Bureau of Immigration upon arrival.
So March 16, 2020 wala na po yung reckoning period na yan,” ani Roque.