BABABA na ang singil ng Meralco ngayong kapaskuhan.
Matapos ang tatlong buwang sunud-sunod na dagdag-singil sa kuryente, may bawas-singil ang Meralco ngayong Disyembre.
Halos P0.80 kada kwh ang mababawas sa singil ng kuryente ngayong buwan.
Katumbas ito ng P159 para sa mga kumokonsumo ng 200kwh-P398 para sa mga kumokonsumo ng 500kwh.
Paliwanag ng Meralco na ang bawas-singil ay bunsod ng pagbagsak ng halaga ng kuryente sa spot market.
“The significant reduction is in the WESM prices of almost P2.80. Round it off. And primarily because of lower demand and better dispatch from the power plants. More than enough and demand is not that high the tendency really of the market is to move downwards in terms of the rates,” ayon kay Joe Zaldarriaga, Spokesperson, Meralco.
Bukod sa generation charge, bumaba rin ang transmission charge, mga buwis at iba pang singil.
Singil ng Meralco, patas—International Energy Consultants
Samantala, ibinahagi naman ng Meralco ang resulta ng isang pag-aaral na nagsasabing nanatiling patas at makatwiran ang kanilang singil.
Ayon sa International Energy Consultants (IEC) na sa 46 energy markets, pang-21 ang pangkalahatang taripa ng Meralco noong 2022.
Ito ay mas mababa ng 3 porsiyento sa pandaigdigang kalahatan.
Lumalabas na sa nakalipas na limang taon, bagama’t tumaas ng 24 porsiyento ang electricity tariffs ng Meralco halos kapantay lang po ito ng 23 porsiyento ng global o pandaigdigang rates din po.
Kinilala rin ng IEC ang kakayahan ng Meralco na maghanap ng power supply agreement sa pinakamababang posibleng halaga kaya naman hindi pa rin lubusan ang pagtaas ng generation charge.