Sobrang paggamit ng tubig sa gitna ng mainit na panahon, kailangang limitahan—MWSS

Sobrang paggamit ng tubig sa gitna ng mainit na panahon, kailangang limitahan—MWSS

KAILANGAN limitahan ang paggamit ng tubig ngayong tag-init ayon sa Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS).

Wala ka bang time magpunta ng beach pero gusto mong mapreskuhan dahil sa sobrang init ng panahon?!

Nagmistula na ngang resort ang kalye sa Delpan sa Maynila.

Paano ba naman kasi kahit saan ka lumingon ay iba’t ibang laki at hugis ng mga inflatable swimming pool ang gamit ng mga residente dito just… to beat the heat.

Mapa-bata o matanda nga’y todo tampisaw sa tubig.

“Minsan kapag wala silang pasok, ito pinasasakay ko sila, binabombahan tapos nagbababad na sila hanggang gabi na,” ayon kay Neneth Herrera.

At hindi lang tayong mga tao ang gustong magpa-presko ngayong mainit at maalinsangan ang panahon.

Kinagigiliwan kasi ng mga netizen online ang alagang baboy na si Cali dahil sa palagian nitong pagbababad sa batyang may tubig.

Si Nanay Naneth naman ay naabutan naming nag-iigib na ng tubig na gagamiting panghugas ng pinggan at panligo nilang mag-anak.

Lagkit na lagkit siya dahil na rin sa maalinsangan, kaya ang solusyon niya.

“Nagbabasa muna ng katawan bago maligo, binababad ko ‘yung katawan ko sa tubig dahil sa sobrang init. (Nakaka-ilang beses ka maligo sa isang araw?)  Mga 4 na beses pati mga apo ko,” ayon naman kay Nanay Neneth.

Kung anu-anong diskarte na lang ang ginagawa ng ating mga kababayan maibsan man lang ang init ng panahon.

Pero, sabi ng Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS), kung maaari nga ay limitahan pa rin natin ang sobrang paggamit ng tubig kada araw.

“As much as possible po sana huwag natin i-reason out ‘yung init ng panahon para makapagsayang po ng tubig. So, as much as possible na i-manage din natin ‘yung suplay po natin sa ngayon. Ayaw naman po natin na magkaroon po ng interruption sa atin pong sistema at ayaw din po nating ‘yung maulit ‘yung 2019 na kung saan po tayo ay pumipila sa daan para lang makakuha ng tubig. So, as much as possible po na sa ngayon pa lang ay tinitipid na natin ‘yung tubig para hindi po mangyari ‘yung 2019 na interruption,” wika ni Engr. Patrick Dizon, Division Manager, MWSS.

Partikular na tinukoy ni Engineer Patrick Dizon, Division Manager ng MWSS rito ang ilang beses na pagligo, paggamit ng swimming pool at inflatable.

“Kaya po, ang advice natin, ang recommendation natin sa ating mga LGU po, na lahat ng strategies natin para lang makapagtipid ng tubig ay gawin po. So, nakikipag-coordinate naman po kami sa kanila na i-advice ‘yung ating mga kababayan na huwag masyadong gumamit ng mga ganon o inflatable pools para po makatipid lamang po ng tubig,” wika ni Dizon.

Sa ngayon, napag-desisyunan ng board na hindi na muna ipako sa 48 cubic meters per second ang alokasyon ng National Water Resources Board (NWRB) ng tubig sa MWSS na dating plano.

Paglilinaw ni Dizon, maayos pa ang suplay ng tubig para sa mga kabahayan sa Metro Manila at karatig lalawigan.

Pero, sa datos ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) ay walang humpay na bumababa ang bilang ng water level.

Gayunpaman, nakahanda ang mitigating measures ng MWSS katulad na lamang sa pagbabawas ng water pressure.

“Naka-online na din po ang ating augmentation measures which is ‘yung additional water sources natin outside Angat. Ito po ‘yung mga water treatment plant natin na itinayo natin for Laguna Lake at ‘yung mga ground water or mga deep wells po natin. We are already instructed na rin po ang ating mga konsesyonaryo to deploy na rin ‘yung mga ating mga water tanks. Just in case lang po na mabawasan tayo ng water allocation at need natin i-refill ‘yung reservoir para mayroon pa rin pong mapagkukuhanan ng tubig,” aniya.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble