NAIS ni Senate President Francis “Chiz” G. Escudero na ipawalang bisa at bawiin ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang mga mining exploration permits na hindi nagamit.
Sa isang press conference nitong Martes, sinabi niyang ang hindi paggamit ng mining exploration permits ay labag sa Republic Act No. 7942 o Philippine Mining Act, na may layuning itaguyod at gamitin ang mga mineral na yaman ng bansa para sa pambansang pag-unlad.
“The intention of the Mining Act is to promote the rational exploration, development, utilization, and conservation of mineral resources to enhance national growth. Exploratory permits were issued by government to achieve this goal, but if these are not being utilized by the mining firms, then they have no business holding on to these permits.”
“Kung hindi ka tumupad sa napagkasunduan na dapat gawin sa loob ng takdang panahon, dapat tanggalin o kanselahin na ang exploration permit o yung MPSA (mineral production sharing agreement)—sino ka man, ano man pangalan o apelyido mo o kompanyang kinabibilangan mo,” pahayag ni Sen. Francis “Chiz” Escudero.
Ipinahayag din ng Senate President na ang mga hindi nagamit na exploration permits ay dapat ipamahagi sa mga mining companies na may kakayahang gamitin ang mga ito sa pamamagitan ng bidding, na maaari pang magdulot ng kita sa gobyerno.
“Hindi … kayang mag-explore, hindi niya kayang i-process ang minerals, bitawan niya o bawiin sa kanya ng gobyerno, at ang panukala ko … i-bid out ng gobyerno (ang permits) para kumita pa,” dagdag ni Escudero.
Kamakailan lamang ay nag-file si Escudero ng Senate Resolution No. 1310 upang imbestigahan ang malaking bilang ng mga hindi aktibo, hindi operational, hindi valid, o hindi nagamit na exploration permits at mineral agreements na salungat sa ipinatutupad na polisiya ng Mining Act of 1995.
“Under the Constitution, all mineral deposits are owned by the State. They are mere contractors. Any EP (exploration permit) or MPSA (mineral production sharing agreement) grantee or licensee are mere contractors of the State over an asset that is owned by the State,” aniya.
Ayon sa pinakabagong datos ng gobyerno, ang kontribusyon ng industriya ng pagmimina sa GDP ay 0.5 porsiyento noong 2022 at 0.7 porsiyento noong 2023.
Ayon sa DENR, mayroong 152 exploration permits na naipagkaloob hanggang Pebrero ng taong ito.
Sa kabuuan, 45 dito ay valid at existing; 4 ay para sa rehistrasyon; 53 ay expired na may nakabinbing renewal applications; 48 ay expired na walang renewal application; isa ay nakatali sa ibang exploration permit; at isa ay kinansela na.
Ayon kay Escudero, na isa ring abogado, maaaring maglabas ang DENR ng isang administrative order o memorandum circular upang kanselahin o bawiin ang mga exploration permits.