ISINASANTABI ni Senate President Tito Sotto III ang posibilidad na baka sila ni presidential candidate Bong Bong Marcos ang mahahalal sa May 9 Elections.
“Hindi ko naiisip yan”
Ito ang naging pahayag ni Senate President Tito Sotto III sa Marcos-Sotto tandem pagkatapos ng eleksyon sa Mayo 9.
Ito’y matapos sa naging tanong kay Sotto sa isang VP Presidential Debate ang posibilidad na maaring si Marcos at siya ang mahahalal sa pwesto.
Pero maliban sa hindi iniisip ni Sotto ang naturang projected tandem ay abala aniya ito sa pangangampanya sa kaniyang running mate na si Senator Ping Lacson.
“I have not given it a thought. In my sphere we are working on the presidency of Sen. Ping Lacson,” ani Sotto.
Sinabi rin ni Sotto na sakaling mahalal sila ni Lacson, gagamitin nila ang kanilang tatlong dekada sa serbisyo publiko para harapin ang mga samu’t saring problema sa bansa.
“After 30 years I think handa ako dito. So, ganoon ang aking thinking…wala akong iniisip na kung iba ang mananalo at this point,” ayon pa kay Sotto.
Sa kabilang banda, pinabulaanan din ni Lacson ang mga ispekulasyon ng posibleng tandem niya kay Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio.
Giit nito na si Sotto ang kanyang pipiliing makasama sa kampanya hanggang dulo.
Nananatili aniya ang kanilang pangangampanya para sa pagsasaayos ng gobyerno at buhay ng bawat Pilipino.