SPMC itinalaga bilang kaisa-isang COVID-19 hospital sa Davao City

SPMC itinalaga bilang kaisa-isang COVID-19 hospital sa Davao City

KINILALA ang Southern Philippines Medical Center (SPMC) bilang nag-iisang hospital sa Davao City na akreditadong tumanggap ng COVID-19 patients sa lungsod.

Sa bisa ng inilabas na Executive Order No. 60 o “An order designating a single hospital for confirmed COVID-19 patients in Davao City” na pinirmahan ni Acting Mayor Sebastian Duterte nitong Oktubre 29, na agad naman itong epektibo.

Saad ni Duterte sa nasabing EO, tanging ang SPMC lamang ang maaaring tumanggap ng mga kumpirmadong kaso ng COVID-19 sa lungsod.

Ito’y kasunod rin ng patuloy na pagbaba ng kaso ng naturang sakit sa lungsod dahil na rin sa patuloy na pagdami ng nagpapabakuna laban sa virus, at pagbuti ng recovery rates dito.

Paliwanag rin ni Duterte, layon ng nasabing hakbang na maprotektahan rin ang mga healthcare personnel na nasa ibang mga ospital na mahawaan ng virus dahil sa exposure sa kanilang trabaho.

Samantala, nakasaad rin sa Executive Order No. 60 na kailangang suportahan ng mga private hospital ang SPMC sa pamamagitan ng hindi pagtanggap ng COVID cases at pagbukas ulit ng kanilang pasilidad kung sakaling tumaas muli ang virus infection sa lungsod at maghanda sa posibilidad na maitalaga ito bilang COVID-19 hospital.

Dagdag naman ni Acting Mayor Sebastian Duterte, dahil sa pagkakaroon ng nag-iisang dedicated hospital para sa COVID-19 cases ay maaari nang tugunan ng mga private hospital ang iba pang mga pasyente at mapagmit ang COVID beds para sa iba pang kaso, at para na rin mas maitaguyod ang kanilang negosyo at operasyon.

SMNI NEWS