MULING maghahain ng panibagong petisyon ang Manila Rail Transit (MRT)-3, sa linggong ito.
Una nang nagsimute ng petisyon ang pamunuan ng nasabing rail system para sa taas-pasahe noong Enero 2023.
Pero hindi ito naaprubahan dahil sa ilang technicalities.
Sa ikalawang petisyon ng MRT-3, mula P13 magiging P16 na ang minimum fare habang tataas naman sa P34 ang bayad mula North Avenue hanggang Taft Avenue station.
Paliwanag ni Department of Transport (DOTr) Asec. for Railways at MRT-3 OIC General Manager Jorjette B. Aquino kung bakit kinakailangang magtaas ng pasahe ay dahil hindi kasi sasapat ang kinikita ng MRT-3.
“Despite the increase in ridership and revenue, mayroon pa rin tayong around
P6.2-B na kakulangan or deficit. Ano po ba ang ibig sabihin nun no? Ang dapat na pasahe ng bawat pasahero ng MRT-3 dulo sa dulo ay meaning North Avenue to Taft Avenue ay dapat nasa P69. At ang binabayaran lamang ng bawat pasahero ay P28. So ito ay may kakulangan na P41 kada pasahero,” ayon kay Asec. Jorjette B. Aquino, OIC General Manager, MRT-3.
Sabi pa ni Aquino, layon ng taas-pasahe na mas pabutihin ng serbisyo ng MRT-3 sa mga commuter.
Bukod dito, magreresulta rin aniya ito sa mas maliit na subsidiya na ibibigay ng gobyerno para sa MRT-3.
“Ngayon, kung kami ay makakapagtaas ng pasahe, ang subsidy na aming hihingiin ay magiging mas mababa. So ito ngayon ay magagamit sa iba pang nga proyekto na puwedeng mapakinabangan din ng ating mga kapwa Pilipino,” dagdag ni Asec. Aquino.
Sa ngayon, kumpiyansa ang pamunuan ng MRT-3 na maaaprubahan na ang panibagong petisyon para sa taas-pasahe lalo na ngayon na may komento na ito mula sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), Commission on Audit (COA), at National Economic and Development Authority (NEDA).
Kung maaaprubahan, posibleng ipatupad ang taas-pasahe sa MRT-3 sa Marso o Abril ng 2024.
2015 pa huling nagkaroon ng taas-pasahe sa MRT3.
“We believe that this fare adjustment is on the right side of the future of the rail system at dapat sensitibo rin ang gobyerno sa kapakanan ng mga mamamayan sa pangmatagalang epektibo at sustainability ng ating rail system,” wika ni Aquino.