KINAGIGILIWAN ngayon ng mga netizen ang Instagram post ng award-winning actress na si Jodi Sta. Maria kasama ang anak nitong si Thirdy na naging magkaklase sa isang baking class.
Ayon pa sa aktres, dati ay pinag-uusapan lamang nila ito ng kaniyang anak na sana ay magkaroon sila ng pagkakataong magsama sa iisang klase at ngayon ay naisakatuparan na.
All out-support at nakahandang umalalay ang aktres sa culinary adventures ng kaniyang unica hijo.
Sa patnubay ni Chef China Cojuangco, nakapagluto ang mag-ina ng maraming masasarap na pastries gaya na lamang ng crepe, pandesal at butterscotch brownies.
Kasalukuyang naka-enroll sina Jodi at Thirdy sa Center for Asian Culinary Studies.
Sa isang pribadong klase ay kasama rin ng mag-ina ang apat na iba pa kabilang na ang anak ni Rocky Gutierrez na si David.
Dagdag pa ni Jodi na ang pagiging magkaklase nila ni Thirdy ay nagbukas ng panibagong milestone sa relasyon nilang mag-ina.
Kasabay nito ay nag-post din ang aktres sa kaniyang Instagram stories na nagpapakita ng pagbuti ng anak sa pagluluto bilang isang aspiring chef.