Task force na tututok sa imbestigasyon ng pagpaslang sa babaeng modelo at negosyante sa Davao City, binuo ng DILG

Task force na tututok sa imbestigasyon ng pagpaslang sa babaeng modelo at negosyante sa Davao City, binuo ng DILG

PINANGUNAHAN na ni Interior Secretary Benhur Abalos Jr. ang pagbuo ng task force na magsisiyasat sa pamamaril sa isang negosyante na si Yvonne Plaza Chua sa Davao City.

Pumunta ng lungsod ng Davao si Sec. Abalos.

Una ay ang pakikipagpulong nito sa pamilya ni Yvonne Plaza Chua na binaril ng riding in tandem sa harapan mismo ng inuupahan nitong apartment sa Tugbok District, Davao City, noong Disyembre 28, 2022.

Isang task force ang binuo ng Department of the Interior and Local Government (DILG)  na tututok sa imbestigasyon sa naturang pamamaslang at makamit ang hustisyang panawagan ng pamilya ni Chua.

Una nang naglabas ng isang milyong piso na reward money ang Davao City Police para sa makakapagturo o makapagbibigay ng impormasyon sa gunman sa 38 anyos na si Yvonne.

Ipinakalat na rin ng pulisya ang mga numerong maaring tawagan para sa makapagbibigay ng karagdagang impormasyon hinggil sa kaso.

Ayon sa Police Regional Office 11, may 2 persons of interest ang tinitingnan ng otoridad pero hindi pa umano nila pwedeng ilabas ang karagdagang impormasyon hinggil dito.

Samantala, nakiramay rin si Abalos kay Senator Ronald “Bato” dela Rosa kasunod ng pagpanaw ng kanyang mahal na ina.

Hindi rin pinalagpas ni Abalos ang pakikipagkita kay dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte at Davao City Mayor Baste Duterte.

Bagamat bigong sinabi ang kanilang napag-usapan, tiniyak ng kalihim na naging maayos naman at makabuluhan ang kanilang pag-uusap sa dating pangulo ng bansa.

Matatandaang, gumawa ng malaking desisyon ang DILG kaugnay sa mabilis na paglilinis sa hanay ng PNP sa isyu ng iligal na droga sa loob ng organisasyon.

Una na ring naging prayoridad ito ng administrasyon ni dating Pangulong Roa Rodrigo Duterte.

Follow SMNI NEWS in Twitter