MANININGIL ng 300 baht na entry fee ang Thailand mula sa mga turista na papasok roon.
Ang mga manlalakbay ay kinakailangang magbayad ng 300 baht o higit 8 dolyar para sa bawat pagbiyahe at pagpasok sa bansa at lahat ng papasok sa pamamagitan ng border nito.
Ito ay inihayag ni Tourism Minister Phiphat Ratchakitprakarn matapos aprubahan kahapon ng gabinete ang nasabing hakbang.
Ang gobyerno ay inaasahan na makakakolekta ng humigit kumulang 4 na bilyong baht kung saan ilang parte rito ay magagamit para magkaroon ng health at accidental insurance sa mga turista sa bansa.
Matatandaan na noon pa pinaplano ng Thailand na magkaroon ng entry fee sa mga turista pero ang implementasyon nito ay naantala dahil sa pandemya.