Tuguegarao City Mayor Soriano, kinumpirma na balik ECQ ang lungsod

KINUMPIRMA ni Mayor Jefferson Soriano sa panayam ng SMNI News na balik-Enhanced Community Quarantine (ECQ) ang Tuguegarao City.

Ito ay matapos tumaas ang bilang ng kaso ng COVID-19 sa nasabing lungsod.

“Nag-umpisa na ‘yong ECQ namin yesterday at 12:01 hanggang January 29, inaprove na po ng regional IATF,” ayon kay Soriano.

Paliwanag ni Tuguegarao City Mayor Soriano, hindi ito kagaya nang pinatupad na ECQ na pinatupad ng bansa noong Marso.

Ayon kay Mayor Soriano, maraming nang pagbabago na ginawa ang Inter-Agency Task Force sa mga patakaran ng ECQ.

Maaari pa ring makapag-trabaho ang mga tao hanggang 20% work force. Bukas din ang mga restaurant at kainan ngunit para sa take out at delivery lamang.

Sa kabila nito, maaari lang lumabas ang mga tao kapag bibili ng mga essential goods gaya ng pagkain at gamot.

Samantala, hindi papayagang bumiyahe ang mga pampublikong sasakyan.

Ang pagtaas ng kaso ng COVID-19 ay maaaring sanhi nang mga aktibidad na ginawa ng mga tao noong nagdaang holiday season.

Nangako naman ang lokal na pamahalaan ng Tuguegarao na nakaantabay ang gobyerno para makapagbigay ng ayuda sa mga nangangailangan.

SMNI NEWS