NAGPAABOT ng pakikiramay ang militar sa pamilya ng sundalo na nasawi sa kasagsagan ng Humanitarian Assistance and Disaster Response (HADR) operations sa San Isidro, Northern Samar.
Ayon kay Major General Camilo Ligayo, commander ng 8th Infantry Division, magbibigay sila ng nararapat na suporta at tulong sa naulilang pamilya ni Corporal Jerry Palacio ng 43rd Infantry Battalion.
Patungo sana si Palacio sa Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) sa San Isidro, Northern Samar ngunit tinangay ng umaapaw na agos ng tubig habang tumatawid sa konkretong tulay sa Sitio KM6.
Nawala si Palacio noong Enero 9 pero natagpuan ang kanyang bangkay kahapon, Enero 11 sa Mauo River, Sitio Marasbaras.
Tiniyak naman ni General Ligayo na sa kabila ng insidente, patuloy na gagampanan ng militar ang kanilang mandato sa mga apektadong lugar dulot ng masamang panahon.