INIHAYAG ng Bureau of Plant Industry-DA na dumating na sa bansa ang unang batch ng imported na sibuyas.
Kinumpirma ni Bureau of Plant Industry (BPI) Director Glenn Panganiban na dumating noong Biyernes, Enero 20, 2023 ang ilang metriko toneladang sibuyas na inangkat ng Pilipinas.
Bahagi ito ng higit 21,000 metriko tonelada ng sibuyas na inaprubahang angkatin ng Department of Agriculture (DA) na layong mapababa ang presyo nito sa merkado.
Ayon kay Panganiban, tinatayang nasa 2,000 MT ng unang batch ng imported sibuyas ang dumating sa Port of Manila.
At ito ay kasalukuyan nasa cold storage warehouse para sumailalim sa second border inspection sa pinagsanib puwersa ng BPI, Bureau of Customs at Philippine Coast Guard.
“Sa South, sa isang port lang ito sa Port of Manila. Nasa 400 metric tons ng yellow, at doon sa isa naman sa red naman na sibuyas ay nasa 1,400 metric tons,” saad ni Dir. Glenn Panganiban, Bureau of Plant Industry, DA.
“Ano ‘yan estimate lang ‘yan that may be defer kung after second border inspection natin,” dagdag ni Dir. Panganiban.
Maliban sa Port of Manila, may nag-aapply na rin sa Port of Subic para sa pagdating ng imported sibuyas.
Sinabi pa ni Panganiban, ang naturang bilang ng sibuyas ay posibleng ibabagsak muna sa iba’t ibang pamilihan sa National Capital Region (NCR).
Inaantay na lamang ng BPI mula sa mga importer ang kanilang distribution list kung saan-saang lugar ito ilalagak.
“Kasi, ang usapan diyan kapag dumating siya di ba, ano nga natin ay para hindi siya mahalo sa smuggled ay bibigyan kami, magsu-submit sa amin ‘yung mga importer ng distributor nila places nila distribution areas, tapos ili-liquidate nila,” aniya.