MAS magkakaroon ng balance of power sa South China Sea ngayong higit na pinahalagahan ng bagong administrasyon ng Estados Unidos ang US-PH Mutual Defense Treaty.
Ito ang nakikita ni Senador Panfilo Lacson, chairman ng Senate Committee on National Defense, pagkatapos ang naging pag uusap sa pagitan ni Foreign Affairs Secretary Teodoro Locsin Jr. at US State Secretary Antony Blinken.
Sa kaniyang twitter post ay sinabi ni Blinken na itutuloy nila ang matibay na alyansa ng Estados Unidos at Pilipinas sa pamamagitan ng pagbabahagi sa isa’t isa ng kagalingan, kasaysayan, pagpapahalaga at matibay na relasyon ng mga mamamayan sa pamamagitan ng nasabing treaty.
Sinabi rin mi Blinken na mahalaga ang MDT para sa seguridad ng dalawang magkaalyansang bansa pati na rin sa mga sektor ng tanggulan ng Pilipinas at sa mga sasakyang pandagat at himpapawid na nagagawi sa South China Sea.
Para kay Blinken, hindi tanggap ng US ang ginagawang pag-aangkin ng China sa naturang karagatan lalo na ang pagtapak nito sa mga bahaging hindi na pinapayagan ang naturang bansa sa ilalim ng umiiral na international law batay sa nakasaad sa 1982 Law of the Sea Convention.
Tutulong din umano sa ibang claimants ang US laban sa panggigipit na ginagawa ng China sa mga ito.
Nitong nakaraang Miyerkules, isiniwalat ni Locsin na naghain ng diplomatic protest ang Pilipinas laban sa China dahil sa isang batas nitong nagpepermiso sa Chinese Coast Guard na paputukan ang mga sasakyang pandagat na magagawi sa mga bahaging kanilang inaangkin.