NAGING mainit ang usapin tungkol sa juvenile delinquency sa isinagawang Sonshine Media Network International (SMNI) Senatorial Debate.
Ito ay matapos tanungin ni SMNI Senior Anchor Dr. Eleanor Cardona kung anong batas ang gagawin ng mga tumatakbo sa pagka-senador tungkol sa mga batang gumagawa ng krimen at minsan nagagamit pa ang mga ito.
Tutol sina former Agrarian Reform Sec. John Castriciones at former Presidential Spokesperson Harry Roque na ibaba ang criminal liability sa edad na 9 years old.
Ayon kay Roque, ang utak ng bata ay nasa development stage pa kaya dapat itong gabayan.
Aniya, dapat magkaroon ng rehabilitation sa mga bata na mga nagkasala at sinasabi niya na walang pinanganak na may masamang budhi.
“Tutol na tutol po ako sa panukalang ibaba ang age of criminal responsibility. Naniniwala po ako na dapat panindigan natin ang obligasyon natin sa, ‘yung karapatan ng mga kabataan. Hindi dapat pwedeng ibaba ang age of criminal responsibility. Naniniwala po ako na ang utak ng bata is still in the process of development until they hit at least the age of 15. And until that time we should exert all efforts to reform and to show the right path to all children,” ayon kay Roque.
Samantala, sinabi naman ni senatorial candidate Atty. Luke Espiritu na dapat turuan na ang mga bata na hindi mabuti ang pumatay at magnakaw.
“I agree na hindi dapat binababaan ang age of criminal responsibility. I disagree na dapat parusahan ang mga magulang, tandaan natin ang crimes na dito sa baba sa mga mahihirap ay dahil sa social problems na create ng ating lipunan. I also agree na dapat bigyan din natin ang tamang values, dapat tinuturo sa school na masama ang extrajudicial killings, masama ang red-tagging, masama si Marcos, marami siyang human rights violation,” wika ni Espiritu.
Sinagot naman ito ni Atty. Larry Gadon at sinabing dapat turuan ang mga bata ng kagandahan asal at hindi pamumulitika at komunismo.
“Pero ganun din ang Catholic church, marami sa mga pari na sa halip na magturo ng leksyon sa mga bata ay ang inaatupag nila ay ‘yung mga anti Marcos, anti martial law at mga communism ang kanilang tinuturo. So, dapat suhituhin din itong Catholic church. Wala na kayong ginawa kundi manira kay Marcos, kay Bongbong, kung ano anong mga kalokohan, mga martial law kayo, mga pari kayo. Dapat ang ituro ‘nyo ‘yung kagandahang asal, hindi yung pamumulitika,” ani Gadon.
Samantala, sinabi naman ni Congressman Rodante Marcoleta na responsibilidad ng mga magulang na turuan ang mga bata upang hindi ito gumawa ng kasalanan.
Saad naman ni Congresswoman Loren Legarda na may mga ginawa na itong batas tungkol dito kung saan ang mga batang nagkasala ay may rehabilitation center upang maturuan at maitama ang pagkakamali.