Voter registration sa Israel, iminungkahing suspendihin muna kasunod ng Israel-Hamas war

Voter registration sa Israel, iminungkahing suspendihin muna kasunod ng Israel-Hamas war

NABABAHALA ang Commission on Elections (COMELEC) sa kalagayan ng mga Pinoy sa Israel kasunod ng bakbakan sa pagitan ng naturang bansa at Hamas.

Dahil dito, irerekomenda ng COMELEC Chairperson, Atty. George Garcia sa magiging en banc bukas, araw ng Miyerkules na suspendihin muna ang voter registration doon para sa 2025 midterm elections.

Matatandaan na nagsimula ang Overseas Voter Registration doon noong Disyembre 2022.

‘‘Simula pa noong Linggo, nagsarado ang ating Philippine Embassy doon. Subalit base sa report sa atin kahapon ng embahada, nagbukas muli sila. Kaya lang tayo ay magre-recommend bukas sa Commission En Banc na baka pupuwede i-suspend muna indefinitely ‘yung registration ng botante natin diyan sa Israel. Mahirap po na ipagbakasakali natin ang buhay ng mga ating kababayan gayong hindi pa talaga maayos ang sitwasyon doon sa Lunes,’’ ayon kay Atty. George Garcia Chairman, COMELEC.

Ang overseas voter registration ay magtatagal hanggang taong 2024.

Ayon kay Garcia, titingnan ang posibilidad para sa extension ng voter registration kasunod ng indefinite suspension.

‘‘Tutal naman po, ‘yung registration ng overseas ay dalawang taon. Simula pa noong nakaraang taon ‘yan, December 12. At pagkatapos ay matatapos din po sa 2024. So, kung sakali pang kailangang mag-extend dahil dito sa suspension, gagawin po natin,’’ saad pa ni Atty. Garcia.

Ayon sa COMELEC, mayroong 13,364 na rehistradong botanteng Pinoy sa Israel noong 2022 elections kung saan 59% ang nakapagboto.

 

Follow SMNI NEWS on Twitter