VP Duterte sa mga magulang sa Eastern Samar: Huwag hayaan ang mga anak na sumama sa CTG

VP Duterte sa mga magulang sa Eastern Samar: Huwag hayaan ang mga anak na sumama sa CTG

NANAWAGAN si Vice President Sara Duterte sa mga residente ng Eastern Samar partikular na sa mga magulang na huwag hayaan na sumapi ang kanilang mga anak sa teroristang grupo at magkaisa laban sa lokal na terorismo.

Isa sa naging laman ng talumpati ni VP Duterte sa 57th Founding Anniversary ng Eastern Samar ay ang paghimok sa mga residente nito na magkaisa laban sa CPP-NPA-NDF.

Sa kaniyang talumpati, binigyang-diin nito na nagsisilbing “breeding ground” para sa insurgency ang lugar kaya hinimok niya ang mga residente na magkaisa upang labanan ito.

‘’Owing to its geographical location, Eastern Samar faces two challenges. It is vulnerable to natural calamities and a breeding ground for insurgency,’’ ayon kay Vice President Duterte.

Isa ang Eastern Samar aniya sa mga probinsya na pinamumugaran ng isang local rebel-armed group.

Ibinahagi ni Duterte na lumaki siya sa Mindanao partikular na sa Davao City na marami ring problema.

Ngunit kaniyang ipinaliwanag na ang susi aniya sa tagumpay at pagiging matatag na lungsod ay ang pagkakaisa at kooperasyon sa pagitan ng gobyerno at mga residente.

‘’I come from Mindanao and marami ding mga problema doon. I was born and grew up in Davao City but I think the secret to success in making a strong city, a strong province, is the unity and cooperation of the government and the citizenry,’’ saad ni VP Duterte.

Nanawagan din si Duterte sa mga residente na protektahan ang seguridad at kapayapaan ng lalawigan laban sa local terrorist groups.

‘’May I call on everyone to protect the security and peace of your province against local terrorist groups,’’ paliwanag nito.

Umapela ang pangalawang pangulo sa mga magulang na huwag hayaang lumahok ang kanilang mga anak sa New People’s Army na siyang dahilan upang masira ang kanilang kinabukasan.

‘’Ayaw ninyo tugti ang inyong mga anak nga musampa sa NPA. Ayaw ninyo tugti nga madaot ang ilang kaugmaon,’’ ani Duterte.

Samantala, ipinunto rin ni Duterte sa kaniyang talumpati ang pagiging handa laban sa kalamidad.

Magugunita na ang Eastern Samar ay isa sa mga probinsiya na lubahang nasalanta ng Super Typhoon Yolanda noong 2013.

Ayon kay Duterte na ang tagumpay sa pagbuo ng isang matatag na komunidad ay nakasalalay sa pakikipagtulungan ng mga stakeholder, ng gobyerno, at ng mga mamamayan nito.

Binigyang-diin ni Duterte ang kahalagahan ng pagkakaroon ng community awareness, disaster risk reduction education sa mga paaralan, disaster preparedness at mga mahusay na local warning system.

‘’Community awareness, disaster risk reduction education in schools, disaster preparedness, and efficient local warning systems will help us become resilient to natural disasters. In other words, collective action,’’ ayon kay VP Duterte.

Follow SMNI NEWS in Twitter