KAALYADO ng CPP-NPA-NDF si Vice-President Leni Robredo ayon kay NTF-ELCAC spokesperson Under Secretary Lorraine Badoy.
Nakikita ng NTF-ELCAC na ginagamit ng CPP-NPA-NDF ang pangalawang Pangulo Leni Robredo para tuligsain ang kasalukuyang administrasyon.
Kapansin-pansin na halos pareho ang mga banat ni Vice President Robredo at CPP-NPA-NDF sa administrasyon ni Pangulong Duterte.
Mabibigat ang mga banat nina NTF-ELCAC Usec. Lorraine Badoy, dating kadre na si Jeffrey “ka Eric” Celiz at retired Lt. Gen. Antonio Parlade sa programang Laban Kasama ang Bayan sa SMNI News Channel ukol kay Robredo na naging kaalyado ng CPP-NPA-NDF.
Sinasabi nila na may koneksyon umano sa makakaliwang grupo ang pangalawang pangulo dahil sa mga sinasabi nito.
Ayon kay Ka Eric, ginagamit umano ang pangalawang pangulo para maging bibig ng CPP-NPA-NDF para siraan ang kasalukuyang administrasyon na pangunahing layunin ng communist terrorist groups sa bansa.
Dahil sa pahayag ni Ka Eric, di maiwasan ng NTF-ELCAC spokesperson na si Usec. Badoy na makapaglabas ng kanyang saloobin patungkol sa nasabing posibleng ugnayan sa pagitan ng CPP-NPA-NDF at ng pangalawang pangulo.
Maliban dito, ipinaliwanag naman ni Parlade na dahil sa kagipitan at pangangailangan ng pondo ng communist terrorist groups nakipagsabwatan din ang mga ito sa mga drug lord sa bansa partikular na sa Calabarzon.
Bukas naman ang himpilan sa posibleng reaksyon o tugon ng pangalawang pangulo sa naturang akusasyon.