PRAYORIDAD ni Pastor Apollo C. Quiboloy ang pagsusulong ng mga batas na direktang tutugon sa mga pangunahing pangangailangan ng mga Pilipino, tulad ng pagkain, kalusugan, edukasyon, at trabaho.
Naniniwala si Pastor Quiboloy na ang kahirapan ang pangunahing ugat ng kriminalidad sa bansa. Dahil dito, nais niyang magpatupad ng mga programang tiyak na makapagpapabuti sa kalidad ng pamumuhay ng bawat Pilipino.
Isa sa mga panukalang batas na isusulong ni Pastor Quiboloy ay ang Weekly Grocery Assistance Program para sa mga low-income families.
Sa ilalim ng programang ito, ang pamahalaan ay magbibigay ng mga pangunahing pangangailangan tulad ng bigas, gatas, at karne sa mga mahihirap na pamilya. Para masigurong sapat at tuloy-tuloy ang suplay, makikipagtulungan ang gobyerno sa mga local grocery stores at magsasaka.
Kasabay nito, nais ding isulong ni Pastor Quiboloy ang Free Meals Program na ipatutupad sa pamamagitan ng community kitchens. Magbibigay ito ng libreng mainit na pagkain para sa mga nangangailangan, lalo na sa mga komunidad na may mataas na poverty incidence.
“Sabi nga ni Pastor, kung gusto mong turuan ang tao na maging first class citizen tungkol sa pagiging first world country. Make sure puno ung tiyan niya,” pahayag ni Atty. Kaye Laurente, Spokesperson ni Senatorial Aspirant Pastor Apollo C. Quiboloy.
Ang ganitong mga programa ay hindi bago sa ibang bansa. Sa United States, ang Supplemental Nutrition Assistance Program (SNAP) ay nagbibigay ng buwanang tulong sa pagkain ng mga low-income families, at may mga community kitchens din na nag-aalok ng libreng pagkain. Sa Canada naman, ang Food Banks Canada ay regular na nagbibigay ng grocery items sa mga mahihirap, habang ang Breakfast Club of Canada sa tulong ng National School Food Program nito, ay nag-aalok ng libreng pagkain sa mga estudyante upang masigurong hindi sila gutom habang nag-aaral.
Hindi natatapos sa libreng pagkain ang mga adbokasiya ni Pastor Quiboloy. Isusulong din niya ang sustainable livelihood projects na layong magbigay ng pangmatagalang kabuhayan sa mga Pilipino, lalo na ang mga nasa mas mababang antas ng lipunan.
Isa sa mga plano niya ay ang pag-amyenda ng Republic Act No. 10869 o National Employment Recovery Strategy upang madagdagan ang pondo para sa skills training programs.
“Ito pa ang naisip ni Pastor jan. Gagawa siya ng malaking training facility, ang goal 10,000 employees ang ma-produce yearly. Sa training facility na ‘yan kumpleto na, ‘yung skills mo construction may part jan sa building, kung pagtuturo…regionalize ‘yan hindi lang Metro Manila. Lahat nakadistribute ‘yan,” saad ni Atty. Kaye Laurente, Spokesperson, Senatorial Aspirant Pastor Apollo C. Quiboloy.
Mobile Health Services Program, isusulong ni Pastor Apollo C. Quiboloy sa Senado
Layunin din ni Pastor Quiboloy na gawing mas accessible ang serbisyong pangkalusugan sa pamamagitan ng Mobile Health Services Program.
Sa ilalim ng programang ito, magbibigay ang pamahalaan ng mobile clinics at mobile pharmacies na mag-iikot sa mga barangay upang maghatid ng libreng serbisyong medikal, gamot, at check-up, lalo na sa mga lugar na malayo sa ospital.
Naniniwala si Pastor Quiboloy na ang kalusugan ay karapatang pantao at kailangang gawing mas abot-kamay ang serbisyong medikal sa lahat ng Pilipino, anuman ang kanilang estado sa buhay.
Sa programang ito, maglalagay ang pamahalaan ng mobile clinics at mobile pharmacies na mag-iikot sa iba’t ibang barangay upang magbigay ng serbisyong medikal. Layunin nito na dalhin ang doktor sa mga nangangailangan, sa halip na ang pasyente ang maghanap ng tulong.
“’Yung tatlong mobile vehicles na ‘yan iikot every 3 months everyday iba ibang barangay hanggang sa matapos. Sabi ni Pastor when it comes to health dapat hindi na ang may sakit ang hahanap ng doktor kundi ang doktor na ang hahanap ng may sakit,” ani Atty. Laurente.
Naniniwala si Pastor Apollo C. Quiboloy na posible para sa Pilipinas na maging isang first-world country kung maisasakatuparan ang mga programang ito. Aniya, ang kaniyang karanasan sa pamamahala ng Kingdom of Jesus Christ ay patunay na kayang abutin ang ganitong progreso sa mas malawak na saklaw.