SENTRO ng mensahe ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. ang zero-tolerance policy sa korapsiyon at human rights abuses sa ginanap na oathtaking ng ikalawang batch ng mga bagong na-promote na star rank officer ng Philippine National Police (PNP) sa Malacañang nitong Miyerkules sa ilalim ng ‘Bagong Pilipinas’.
Hinimok din ng Pangulo ang mga taga-pagpatupad ng batas na pamunuan ang bansa tungo sa isang tunay at makabuluhang pagbabago.
“Sa Bagong Pilipinas na ating itinataguyod, walang puwang para sa hanay ng ating kapulisan ang korapsyon, pang-aabuso sa kapangyarihan, at iba pang katiwalian [at] mga ilegal na gawain,” saad ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr.
Maaari din aniyang mag-ambag ang pulisya ng paggalang at suporta sa isa’t isa.
Saad ni Pangulong Marcos, dapat panatilihin ng kapulisan ang ‘Zero-tolerance Policy’ para sa katiwalian at mga pang-aabuso sa karapatang pantao sa loob ng institusyon upang manatili rin ang tiwala ng tao sa police force.
“As officials, you are responsible for ensuring that all PNP personnel uphold the highest standards of ethics, professionalism, and respect for human rights. I also expect that you will lead by example so that every officer and member under your command will adhere to these same principles,” dagdag ng Pangulo.
Pinayuhan naman ng Pangulo ang mga bagong heneral ng pulisya na gawin ding prayoridad ang mga diyalogo, kolaborasyon at pagtutulungan sa loob ng mga komunidad na kanilang pinaglilingkuran.
Modernisasyon sa PNP, ipinangako ni PBBM
Kasabay nito, tiniyak ni Pangulong Marcos na patuloy na maghahanap ng mga paraan ang pamahalaan upang ituloy ang modernisasyon ng PNP.
Nangako rin ang Punong Ehekutibo sa puwersa ng pulisya na magkaloob ng pinakabagong teknolohiya, pagsasanay, at mga mapagkukunan upang palakasin ang mga kakayahan nito.
‘‘I assure you that the national government will continue to find ways to pursue the modernization of the PNP,’’ ani Pangulong Marcos.
PBBM, pinangunahan ang oathtaking ng 2nd batch ng bagong 55 promoted PNP Generals
Sa isang seremonya sa Palasyo ng Malacañang nitong umaga ng Miyerkules, pinangunahan ni Pangulong Marcos, ang panunumpa ng 55 bagong na-promote na opisyal ng PNP na binubuo ng isang police lieutenant general, pitong police major generals at 47 police brigadier generals.
Dumalo rin para saksihan ang okasyon sina PNP chief Police General Benjamin Acorda Jr., Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Benjamin ‘Benhur’ Abalos Jr., at Presidential Adviser on Military and Police Affairs Secretary Roman Felix.
Matatandaang pinangunahan din ni Pangulong Marcos, ang panunumpa ng unang batch ng 57 newly promoted PNP star rank officers noong Setyembre 19, 2023.