Nagpanggap na milktea shop sa Baclaran, huli sa pagbebenta ng ilegal na vape products

Nagpanggap na milktea shop sa Baclaran, huli sa pagbebenta ng ilegal na vape products

NILUSOB ng mga tauhan ng Fair Trade Enforcement Bureau (FTEB) ng Department of Trade and Industry (DTI) ang isang establisyemento sa bahagi ng Baclaran sa lungsod ng Parañaque.

Ang shop na akala mo’y milktea ang tinda aba’y ilegal na Flava vape products pala ang alok.

Unang nasamsam ng DTI ang higit 170 kahon ng vape products na nagkakahalaga ng P9.5-M.

Kalaunan, karagdagang kahon-kahon pa ng nasabing produkto ang nadiskubre na ayon sa DTI ay posibleng umabot ng mahigit na P25-M halaga.

“Bawal ibenta, i-market, i-promote ang vape products sa mga kabataan below 18 years old. Flavor descriptors bawal ‘yan. So, kaya nga ‘yung mga registered ‘yung magiging vape na inallow natin puwede ‘yung may kulay o kahit ano. Pero, hindi puwede ‘yung parang iniengganyo mo ‘yung kabataan,” ayon kay Asec. Amanda Nograles, Consumer Protection Group, DTI.

Bukod dito, bawal din ang pagtitinda ng vape products sa loob ng 100-meter radius ng mga paaralan at iba pang mga pampublikong lugar.

Inisyuhan ng Notice of Violation ng ahensiya ang may-ari ng establisyemento upang makapagpaliwanag. Patong-patong na kaso ang kahaharapin ng mga may-ari dahil sa paglabag sa Vape Law (Republic Act 11900).

Bawal din ang pagbebenta nito online na ginagawa rin umano ng may-ari. Napag-alaman din ng ahensiya na wala itong business permit. Hanggang P5-M ang multa at may kasamang pagkakulong na aabot sa 6 na taon ang parusa sa lalabag sa Vape Law.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble