Unconditional Cash Transfer ng 4Ps, pinalalawak para sa bed-ridden seniors, PWDs

Unconditional Cash Transfer ng 4Ps, pinalalawak para sa bed-ridden seniors, PWDs

HINIKAYAT ni Sen. Imee Marcos ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) na palawakin ang Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) para sa mga bed-ridden senior citizen at persons with disabilities (PWDs).

Sa pagdinig ng Senate Committee on Social Justice, Welfare and Rural Development araw ng Martes ay tinalakay ang pag-amyenda ng “4Ps Act” (Republic Act 11310).

“Mayaman na nga ang Pilipinas at umaasenso sa ekonomiya pero marami pa ring Pilipinong naiiwan. Kaya ito nga tinitignan natin ‘yung 4Ps kung paanong palalaganapin kasi mayroong nakakalimutan o napag-iiwanan katulad ng bed-ridden seniors at ‘yung mga severely challenged na PWD,” ayon kay Sen. Imee Marcos.

Sa pagdinig, ipinunto ng senadora na bagamat umaasenso na ang ekonomiya ay marami pa rin ang napag-iwanan, kabilang na ang mga bed-ridden na senior at ang mga PWDs.

2007 nabuo ang 4Ps ngunit limitado lamang ito sa health, vaccination, at education. Iginiit niya na ito ay dapat palawakin upang matulungan ang mas maraming mahirap na benepisyaryo.

Paliwanag niya, mayroon pang mga dahilan ng kahirapan na hindi nasosulusyunan ng 4Ps.

Bukod dito ay hinikayat din ni Marcos ang DSWD at iba pang ahensiya ng gobyerno na magkaroon ng exit strategy para sa mga mahihirap tulad ng Alternative Learning System (ALS).

Upang magtagumpay ang 4Ps, dapat maging self-sufficient kalaunan ang mga pamilya. Batay kasi aniya sa isang Commission on Audit (COA) report noong 2022, 90 percent ng mga aktibong benepisyaryo ng 4Ps ay mahirap pa rin.

Nakasaad rin sa parehong report na 4.2 million active 4Ps beneficiaries ay nanatili sa programa ng 7-13 taon.

Sa kabila ng suhestiyon na palawakin ang 4Ps, iginiit din ng senadora na dapat magkaroon ng assessment ang nasabing programa. Maari kasi itong putulin o ipagpatuloy depende sa kung gaano ka-epektibo.

 

Follow SMNI NEWS on Twitter