1 katao nasawi, 6 sugatan sa bombing incident sa Tulunan, North Cotabato

PINASABUGAN ang isang bus ng Yellow Bus Line, Inc sa bahagi ng Sibsib, Tulunan, North Cotabato bandang ala-una ngayong hapon.

Ligtas ang driver ng bus na nakilalang si Melvin Lumayag. Kasalukuyan pang inaalam ng mga awtoridad ang uri ng bombang pinasabog.

Ayon kay Mayor Reuel Limbungan, posibleng sa isang ticket booth nilagay ang bomba at hindi sa mismong bus.

Kinumpirma din ng alkalde na isa ang nasawi sa insidente habang anim ang sugatan na agad namang dinala sa ospital.

Idinagdag din ni Mayor Limbungan na maituturing na isolated case ang nangyari dahil ito ang kauna-unahang pagkakataon na may insidente ng pambobomba sa kanilang lugar.

Naniwala si Mayor Limbungan na extortion ang dahilan ng ginawang pambobomba. Nanawagan din ang alkalde sa mga residente na maging mahinahon lang.

Tiniyak naman nito ang agarang aksyon para sa ikadarakip ng suspek o kung sino mang nasa likod ng nasabing krimen.

Kasalukuyang isinasagawa ng pinagsanib na pwersa na ng PNP Explosive Ordinance Disposal team, SOCO at Army bomb squad ang imbestigasyon sa nangyaring pambobomba.

SMNI NEWS

Leave a Reply

Your email address will not be published.