INATASAN ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) para sa agarang pagpapatupad ng amnesty program sa mga natitirang miyembro ng Communist Party of the Philippines-New People’s Army-National Democratic Harapan (CPP-NPA-NDF).
Ito ang ibinahagi ni National Security Adviser (NSA) Secretary Eduardo Año sa isang press briefing sa Malacañang nitong Huwebes, Abril 4, 2024.
“The President has directed the immediate implementation of the amnesty program to the remaining members of the CPP-NPA-NDF since Congress has already concurred with the proclamation,” pahayag ni Sec. Eduardo Año, National Security Adviser.
Sinabi ni Año na sa 5th NTF ELCAC Executive Committee (ExeCom) Meeting, ay nagbigay si Marcos Jr. ng go signal sa pagsasapinal ng Implementing Rules and Regulations (IRR) ng proklamasyon bago nila masimulan ang pagproseso ng pagbibigay ng amnestiya sa mga natitirang miyembro ng CPP-NPA-NDF.
Inilabas ni Pangulong Marcos ang Executive Order No. 47 noong Nobyembre ng nakaraang taon, na nag-amyenda sa Executive Order No. 125, series of 2021, o ang Paglikha ng National Amnesty Commission (NAC) upang masakop ang pagproseso ng mga aplikasyon para sa amnestiya sa ilalim ng Proclamations 403, 404, 405 at 406.
Sa ilalim ng Proclamation No. 404, pinagkalooban ni Marcos ng amnestiya ang mga dating miyembro ng CPP-NPA-NDF na nakagawa ng mga krimen na mapaparusahan sa ilalim ng Revised Penal Code at Special Penal laws sa pagsusulong ng kanilang political beliefs, bukod sa iba pang mga pagkakasala.
Sinabi ni Año na mayroong inisyal na 1,500 miyembro na nagpahayag ng kanilang intensyon na mag-aplay para sa amnesty program.
Inilahad naman ng Office of the Presidential Adviser on Peace, Reconciliation and Unity (OPAPRU) Secretary na si Carlito Galvez Jr. na ang National Amnesty Commission ay naiproseso na ang aplikasyon ng mga nag-aplay para sa amnestiya upang madetermina ang kanilang ‘illegibility’ para sa programa.
Ang National Amnesty Commission ang siyang nag-organisa ng humigit-kumulang 17 local amnesty boards mula sa iba’t ibang rehiyon.
‘‘Sa ngayon, ang nakikita namin, we are expecting, more or less, 1,500 members of the CPP-NPA and I believe it will increase it case magkaroon na tayo ng tinatawag na proseso,” ayon naman kay Sec. Carlito Galvez, Jr., OPAPRU.
Base sa tala, mayroong 1,576 na natitirang miyembro ng CPP-NPA-NDF na may 1,406 na armas.
Sa kabilang banda, inihayag ni NTF-ELCAC Executive Director at Undersecretary Ernesto Torres Jr. na ang tinatawag na ‘halfway houses’ ng gobyerno, ay gagawing peace centers na nilalayong maging isang “one-stop-shop” processing center para mapabilis at mapadali ang pagbibigay ng amnestiya.
Ang ‘halfway houses’ ay kung saan ang mga dating rebelde ay na-deradicalize at tinuruan ng mga kinakailangang kasanayan para sa kanilang muling pagsasama sa mainstream na lipunan.
‘‘And we are already in the process of evolving this halfway houses to peace centers so when the time comes na full blown na iyong ating implementation ng mga peace centers we would expect that there would a peace center at least ‘no in every province – so, it would facilitate the implementation of the amnesty program,’’ aniya Usec. Ernesto Torres, Jr. Executive Director, NTF-ELCAC.
Nitong Abril 4, nagpatawag si Marcos ng 5th ExeCom Meeting ng NTF-ELCAC sa Malacañang kung saan ipinag-utos niya ang agarang pagpapatupad ng amnesty program sa natitirang mga rebeldeng komunista.
Inulit din ni Marcos ang kaniyang direktiba noong nakaraang taon para sa mga ahensiya ng gobyerno na i-activate ang kani-kanilang Project Development Office para sa pagpapatupad ng mga proyekto ng NTF-ELCAC sa kani-kanilang ahensiya.