HAYAAN na taumbayan ang humusga kung sino ang nagtratrabaho para sa bayan at nagmamalasakit para sa kapwa Pilipino.
Ito ang naging pahayag ni Sen. Bong Go sa panayam sa kaniya tungkol sa mga akusasyon laban sa kaniya at kay dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte.
Nanindigan si Go na kapakanan ng mga Pilipino ang inuuna nila ni dating Pangulong Duterte at kailanman ay walang lugar para sa kanila ang kurapsiyon.
“Malinis ang konsensya namin ni dating Pangulong Duterte. Hayaan na po natin ang korte ang humusga. Hayaan na po natin na ang taumbayan ang humusga pagdating ng panahon,” saad ni Sen. Bong Go.
Giit pa ni Go, kailanman ay hindi siya nakialam o nag-impluwensiya sa anumang transaksiyon ng gobyerno.
Sinabi ni Go na politically-motivated ang mga maling akusasyon ng dating senador.
Ipinunto niya na ngayong nalalapit na ang eleksiyon ay nagiging tradisyon na pipinturahan siya at si Duterte ng itim para sila ang pumuti.
Giit ni Go na taong 2018 pa ang akusasyon at ni-recycle pa noong 2021 at ngayon na papasok na naman ang campaign period para sa 2025 na halalan ay nag-iingay na naman si Trillanes para mapag-usapan na naman ng publiko gamit ang rehashed issue na walang basehan kundi haka-haka lang.
“Alam mo ‘di naman ako makapili sino ang kamag-anak ko.”
“May negosyo ang mga ‘yan. And I’m sure siya rin, si Senador Trillanes.”
“Importante nakialam ba ako? Hindi. Nakialam ba kami ni Pangulong Duterte? Hindi,” diin ni Go.
Samantala, binigyan-diin ni Go ang kaniyang karapatang magsagawa ng mga legal na aksiyon para ipagtanggol ang kaniyang karangalan, pangalan, at reputasyon.
“I also reserve the right to pursue legal action in order to defend my honor, my name, my reputation,” aniya.