KINUMPIRMA ni Presidential Spokesperson Secretary Harry Roque na darating ang 487,200 dosis ng AstraZeneca COVID-19 vaccine mamayang gabi, Marso 4.
“Kumpirmadong nakasakay na sa eroplano,” ayon sa pagtitiyak ni Roque.
Ang nasabing mga bakuna ay manggagaling sa Belgium at dadaan sa Bangkok bago ito tutungo sa Pilipinas.
Ayon sa Department of Health (DOH), lalapag ang bakuna sa NAIA Terminal 3.
At mula sa paliparan, ito ay ibibyahe sa Villamor Air Base’ Kalayaan Hall para sa isang simpleng seremonya kasama si Pangulong Rodrigo Roa Duterte.
Mula naman sa Villamor, ihahatid ang mga bakuna sa Metropac sa Marikina City.
Una nang naiulat ang pagdating ng 525,600 dosis ng AstraZeneca vaccine sa bansa ngunit nabawasan ito ng bilang sa mahigit 487,000 na lamang.
Paliwanag naman ni vaccine czar Carlito Galvez, ito ay dahil sa limitasyon sa cargo dahil idi-deliver ang mga bakuna sa isang commercial flight.
“Meron tinatawag na mga packaging requirements and this is a commercial airline, kasama po may mga pasahero po ito so may restriction po tayo sa baggage…Considering na commercial, nagkaroon po siguro ng limitations sa cargo,” paliwanag ni Galvez.