OPISYAL nang ipinakita na ngayong araw sa publiko ang mga bagong dating na 120 bagon ng tren na gagamitin sa LRT-1 Cavite Extension Project.
Mula sa nasabing bilang, nasa walong bagong bagon ng tren ang pinasinayaan sa pangunguna mismo ni Transport Secretary Art Tugade.
Ayon pa kay Tugade, ngayong taon ay itatakda ang partial operability ng LRT Line 1 Cavite extension project na inabot pa ng 19 na taong paghihintay bago ito mapakinabangan ng taumbayan.
Hindi lingid aniya sa kaalaman ng kaniyang ahensiya na marami ang nagduda sa kasalukuyang administrasyon pero ang nasabing programa ay nagsilbing larawan ng katuparan ng mga naudlot na pangako noong nakaraang administrasyon.
Samantala, inihayag din ng Department of Transportation na nasa 52% na ang pagsasakumpleto ng naturang proyekto ng LRT1 Cavite extension.
Oras na matapos ang 11.7-kilometer project, inaasahang maseserbisyujhan nito ang nasa 800,000 pasahero kada araw.
Mula rin sa isang oras at 10 minutong biyahe mula Baclaran at Bacoor, bababa na ang travel time sa 25 minuto.
Sa pagpapatuloy ng konstruksyon, pansamantalang isasara ang inner most lane (northbound) sa Cavitex – Parañaque Bridge mula March 17 hanggang 31.
Layon nitong bigyang daan ang nakatakdang test pit works kasama ang bridge at pipe inspection para sa proyekto.
Katuwang ng LRMC sa proyekto ang Department of Transportation (DOTr) at Light Rail Transit Authority (LRTA) sa ilalim ng “Build Build Build” program.
Nauna nang sinimulan ang proyekto sa LRT1 Cavite extension sa panahon ni dating President Noynoy Aquino, at inaasahan na matatapos ito sa taong 2015 sa ilalim ng panganagsiwa ni dating Transport Secretary Jun Abaya.
Kaugnay nito, naging hit pa sa publiko ang pahayag ni Pnoy na magpapasagasa ito ng teen ora’s na hindi matapos ang nasabing proyekto.
Samantala, ang 120 na mga bagong bagon o light rail vehicles na binili ng Administrasyong Duterte ay nanggaling pa sa mga bansang Espanya at Mexico.
Ang mga bagon na ito ay siyang bubuo sa 4th generation trains na gagamitin para sa LRT-1 at Cavite extension nito.
Sa pagtutulungan at koordinasyon ng Department of Transportation (DOTr), Light Rail Transit Authority (LRTA), Light Rail Manila Corporation (LRMC), Japan International Cooperation Agency (JICA), Mitsubishi Corporation, at Construcciones y Auxiliar de Ferrocariles (CAF) at CMX Consortium, wala nang makapipigil pa sa tuluy-tuloy na pag-arangkada ng LRT-1, maging ang isinasagawang Cavite extension nito.