Bawas-singil sa terminal at navigation fees ipatutupad sa mga piling paliparan

Bawas-singil sa terminal at navigation fees ipatutupad sa mga piling paliparan

Kinumpirma ni Transportation Secretary Giovanni “Banoy” Lopez ang pagtaas ng presyo ng jet fuel.

Mula sa 89 dollars bago ang giyera sa Middle East, ay umakyat na ito ngayon sa halos 200 US dollars per barrel.

Dahil dito, magpapatupad ng bawas-singil sa terminal fees ang DOTr sa mga paliparan sa bansa.

“Ang kagandahan lamang dito, direkta ang epekto nito. Halimbawa, kung ang tiket ninyo ay P2,000, dahil sa bawas sa terminal fee, makakabawas tayo at maaaring maging P1,800 na lang ang babayaran ninyo,” wika ni Sec. Giovanni “Banoy” Lopez, DOTr.

Pati ang mga airline companies ay bibigyan din ng diskwento.

Mababawasan din ang kanilang babayarang navigation fees sa mga paliparan.

“‘Yung mga navigation charges natin, tulad ng take-off at landing fees, pinadiskwento na rin natin sa CAAP. Puwedeng umabot hanggang ₱5,000 per landing at take-off ang matitipid ng ating airline companies,” saad ni Sec. Giovanni “Banoy”, DOTr.

Tatagal ang diskwento ng tatlong buwan habang isinasailalim ito sa review.

Ayon sa CAAP, may iba pang bawas-singil na ipatutupad.

Kagaya ng Passenger Service Charge para sa international travel mula P900 sa P700.

Ang domestic flights na gumagamit ng international airports, may bawas singil na rin.

Mula P350, bababa ito sa P150 hanggang P200.

Sa Principal Class 1 airports, mula P300 ay magiging P150 to P200 na lamang ang singil.

Sa Principal Class 2 airports naman, mula P200 ay ibinaba ito sa P100.

Habang sa community airports, mula P100 magiging 50 pesos na lamang ang bayarin.

Samantala, nilinaw ni MIAA General Manager Eric Jose Ines na hindi saklaw ng reduction fee ang NAIA, Cebu, Clark, at Cagayan de Oro airports.

Hindi rin sakop ang mga paliparang nasa ilalim ng Public-Private Partnership o PPP projects.

“Unang-una, bago magkaroon ng decrease sa navigation fees, kailangan munang amyendahan ang concession agreement na pinirmahan noong 2024. Ang binanggit ngayon ni Secretary Lopez ay tungkol sa mga operated by CAAP na airports na walang ganoong agreement,”pahayag ni Eric Jose Ines, General Manager, MIAA.

Kasama rin sa plano ang pagsusuri sa hiling ng ilang local at foreign airlines na discount sa landing at take-off fees.

“Nagrerequest sila kung puwede bang amyendahan yung administrative order number 1 na pinag-agreehan ng Manila International Airport, Department of Transportation, at NNIC,”dagdag ni Ines.

Sa ngayon, nakikinabang na ang ilang local air carriers sa 65 percent discount sa landing at take-off fees.

Kabilang dito ang Philippine Airlines, Cebu Pacific, at AirAsia Philippines para sa domestic flights.

Minamadali na rin ng MIAA ang proseso para sa hinihinging diskwento.

Ginagawa ito upang mapigilan ang tuluyang pagtaas ng pamasahe sa air travel.

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble