Umani ng batikos ang pagbili ng pamahalaan ng Ghana ng bagong presidential jet na nagkakahalaga ng 61 million dollars o mahigit tatlong bilyong piso.
Ang French-made Falcon 6X ay inihatid na sa Ghana Air Force nitong Lunes at nakatakdang pumalit sa 16-year-old presidential aircraft na madalas umanong magkaroon ng maintenance problems.
Kinuwestiyon ng opposition politicians ang timing ng pagbili dahil marami pa ring mamamayan ang nahihirapan sa mataas na presyo ng bilihin at kawalan ng trabaho.
Tinawag ding hypocrisy ang hakbang ng administrasyon ni President John Mahama dahil una na nitong tinutulan ang pagbili ng bagong presidential jet noong nasa oposisyon pa ang kanilang partido.
Depensa naman ng pamahalaan, mas gumanda na ang economic conditions ng bansa at hindi inutang ang pambili ng bagong eroplano.
Gayunman, iginiit ng ilang kritiko na dapat maglabas ang gobyerno ng mas malinaw na paliwanag kung bakit kailangang bilhin ang jet sa halip na gamitin ang pondo para sa mas agarang pangangailangan ng publiko.
