Pagkakaiba-iba ng pambansang interes at legal na posisyon ng mga bansang kasapi ng ASEAN ang ilan sa mga pangunahing hamon sa pagkumpleto ng Code of Conduct (COC) sa South China Sea, ayon sa pamunuan ng National Maritime Council (NMC).
Nasa 85 hanggang 90 porsiyento na ang progreso sa negosasyon para sa COC sa South China Sea, ayon sa pamahalaan.
Sa isang public briefing, sinabi ni National Maritime Council Spokesperson Undersecretary Alexander Lopez na kinilala nito ang pagsisikap ng mga bansang kasapi ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) sa pagsusulong ng kasunduan.
Bagama’t hindi ito natapos sa panahon ng chairship ng Pilipinas sa ASEAN, sinabi ni Lopez na mahalaga ang momentum na nabuo sa mga nagdaang pag-uusap.
Inaasahang magpapatuloy ang negosasyon sa ilalim ng pamumuno ng Singapore sa ASEAN sa 2027.
Samantala, inihayag ng NMC na ang pagkakaiba-iba ng pambansang interes at legal na posisyon ng mga bansang kasapi ng ASEAN ang ilan sa mga pangunahing hamon sa pagkumpleto ng Code of Conduct sa South China Sea.
Isinalaysay ni Lopez na nakasalalay sa konsultasyon at consensus o pagkakaisa ng mga miyembro ang proseso ng pagdedesisyon sa ASEAN, sa halip na majority voting.
Kabilang sa mga usaping kailangang mapagkasunduan ang saklaw, depinisyon ng mga termino, at legal na katangian ng magiging kasunduan.
Dagdag pa rito ang patuloy na tensiyon at mga insidente sa South China Sea, kabilang ang West Philippine Sea (WPS), na maaari ring makaapekto sa negosasyon.
“Kaya dahil din dito, hindi dapat isakripisyo ang quality o kalidad ng kasunduan para lamang matapos sa isang takdang panahon ang pagkaka-frame o pagkaka-approve ng COC,” pahayag ni Usec. Alexander Lopez, Spokesperson, NMC.
Samantala, iginiit ng opisyal na kailangang magkaroon ng malinaw na obligasyon ang bawat bansang kasapi ng ASEAN, gayundin ng maayos na mekanismo para maiwasan at matugunan ang mga insidente sa karagatan.
Dapat ding umayon ang COC sa international law, partikular sa United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS) at sa 2016 Arbitral Award.
Tiniyak din ni Lopez na hindi dapat pahinain o balewalain ng anumang probisyon ng COC ang sovereign rights at maritime entitlements ng Pilipinas.
Nilinaw naman ng opisyal na ang layunin ng Code of Conduct ay maiwasan ang tensiyon at magsilbing gabay sa pagkilos ng mga bansang kasapi ng ASEAN, at hindi upang resolbahin ang mga territorial dispute sa South China Sea.
“Ang tanging objective ay maghari ang kapayapaan sa ating region or rehiyon, pero hindi ibig sabihin nito na sa ngalan ng kapayapaan ay isusuko natin ang ating karapatan lalong-lalo na sa isang malakas na puwersang dayuhan katulad ng China,” aniya.
