PUNO na ang nakalaang bed capacity para sa COVID-19 patients ng The Medical City.
Ayon kay The Medical City chief Medical Director Dr. Rafael Claudio, mayroon ang ospital ng 100 COVID-19 patients kung saan 84 ang moderate case at 16 ang nasa intensive care units.
Nasa 20 pasyente naman aniya ang naghihintay sa emergency room hanggang kahapon.
Nasa 120 beds aniya ang nakalaan para sa virus patients kung saan 26 percent ito ng kabuuang bed capacity ng ospital.
Bukod sa COVID-19 beds, sinabi ni Claudio na kulang na rin ang ospital sa manpower matapos 67 sa kanilang health workers ang tinamaan ng COVID-19 at 69 ang naka-isolate dahil sa posibleng exposure.
Nasa 90% naman aniya ng hospital staff ang nabigyan na ng unang dose ng COVID-19 vaccines.
Una nang sinabi ng independent research group OCTA na posibleng umabot sa full capacity ang mga ospital sa Metro Manila sa Holy Week kapag nabigo ang gobyerno na mapabagal ang COVID-19 transmission.
Kahapon ay inanunsyo rin ng St. Luke’s Medical Center na puno ang COVID-19 ward at Intensive Care Units (ICU) nito sa Taguig at Quezon City
(BASAHIN: COVID-19 ward at ICU ng St. Luke’s Medical Center sa Taguig at QC, puno na)
Lahat ng ospital sa Marikina City ay puno na rin para sa COVID-19 patients kaya napilitan ang lokal na pamahalaan na ilipat ang parehong infected at non-infected sa mga ospital sa kalapit na lugar.
Hinimok naman ng Department of Health (DOH) ang mga ospital na dagdagan ang bed allocation para sa COVID-19 cases.
Ito ay upang mapalawak pa ang pagtugon sa pangangailangan ng dumaraming bilang ng tinamaan ng virus.
Panawagan ni DOH Usec. Rosario Vergeire sa kapwa pampubliko at pampribadong ospital na tulungan ang pamahalaan sa pagharap sa nararanasang surge ng COVID-19 infection.
Nauna namang inihayag ng ilang pribadong ospital na hindi nito maaaring basta-basta dagdagan ang COVID-19 bed allocation nang hindi dinaragdagan ang bilang ng kanilang health workers.