Bintang ng Kilusang Mayo Uno vs  Marcos administration sa pagkamatay ni Percy Lapid, kinundena ng isang anti-communist group

Bintang ng Kilusang Mayo Uno vs Marcos administration sa pagkamatay ni Percy Lapid, kinundena ng isang anti-communist group

HINDI pinalagpas ng anti-communist group na Yakap ng Magulang ang kasinungalingan umano ng Kilusang Mayo Uno na prente ng CPP-NPA-NDF nang sakyan nito ang isyu ng pagkamatay ng brodkaster na si Percy Lapid.

Nanggagalaiting kinontra ng anti-communist group na Yakap ng Magulang ang pinuno ng Kilusang Mayo Uno na si Elmer Labog kaugnay sa paninisi nito sa administrasyon nina dating Pangulong Duterte at sa kasalukuyang pamahalaan.

“Mayroon pong 100 days na report para sa magagandang nagawa ng ating administrasyon at ito sabay po sa pagpatay kay Percy Lapid kung saan kilala po siya bilang kritiko ng ating administrasyon at ni Duterte. Ngayon nakapagtataka po na itong Kilusang Mayo Uno sa pamamagitan ng Labug ibinentang na sa ating gobyerno ‘yung pagkamatay ni Ka Percy Lapid. So, sinabi niya na maraming patayan ang nangyayari. Ngayon matanong ko lang po ilan ba ‘yung mga namatay?” kuwestyon ni Relissa Lucena, presidente ng Yakap ng Magulang Movement.

Kasunod ito ng pagkakapaslang sa brodkaster na si Percy Lapid nitong Lunes nang pagbabarilin ang biktima ng hindi pa nakikilalang suspek na riding in tandem, malapit sa kaniyang tinitirhan sa Las Piñas City.

Hamon pa ng grupo kay Labog, magpakita ng ebidensiya na gobyerno ang nasa likod ng pagkamatay ni Lapid gayong gumugulong pa ang imbestigasyon ukol sa insidente.

“Yung impormasyon mo wrong, mali. Sinasabi mo na ibinibentang mo siya sa gobyerno o sa administrasyon. Meron ka bang report na magpapatunay na kasulatan na ang gobyerno ang pumatay nito?” ayon pa ni Lucena.

Sa katunayan aniya, hindi siya naniniwala na gobyerno ang gumawa sa nasabing krimen, bagkus maaaring pakana lamang ito ng mga NPA para isisi kay Presidente Marcos ang kaso.

“Hindi ba organisasyon ng NPA ang pumapatay sa kapwa NPA para lang may maipropaganda? Ito kasabay nito ng mga pananalita ni Ka Percy Lapid na kini-criticize niya itong si Ma’am Badoy, si President Marcos at ‘yung Duterte administration. Bakit, matagal na niyang ginagawa ‘yan bakit ngayon lang siya pinatay kung saan reporting ng 100 days ni President Marcos. Ano pong propaganda ang gusto niyo and in the end doon ako nangingilabot sa sinasabi mo. Sinasabi mo sa mga anak namin, sa mga kabataan, sa bagong henerasyon na tumayo, manindigan, at lumaban? Ngayon kung gusto niyo palang lumaban bakit hindi pamilya niyo ang lumaban at sumampa sa kabundukan? Bakit anak ng iba?” ayon pa ni Lucena.

Sa kaugnay na balita, nauna nang ipinagtanggol ni Pastor Apollo C. Quiboloy si dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte at Dr. Lorraine Badoy kasabay ng paninisi ng ilang progresibong grupo na sinasabing may kinalaman sa pagkamatay ng naturang media personality.

Sa katunayan, sinabi rin ni Pastor Apollo na maaaring kagagawan lamang ito ng mga komunista dahil sa malaking sugat na nagawa nina Pangulong Duterte at Doc Lorraine Badoy sa hanay ng New People’s Army.

“So, maliwanag na maliwanag na ito ay pakana ng mga komunista. Sino ba naman, dito sila nagkamali eh, dito sila nagkamali. Ang kanilang ano dito, ang kanilang gustong mangyari na ang salarin na pagsususpektuhang tao either si (Former President) Rodrigo Duterte at si Doc. Lorraine Badoy kasi ‘yan nga ang pinag-uusapan niya eh. Diyan sila nagkamali. Sino ba naman ang taong papatay, pinag-uusapan ka tapos papatayin mo na ikaw na mismo ang pinag-uusapan,” pahayag ni Pastor Apollo.

Nauna na ring sinabi ni Pastor Apollo na desperado ang mga taong nagsasabing may kinalaman ang dating administrasyon sa nasabing insidente.

Samantala, personal na nagtungo si PNP Chief Police General Rodolfo Azurin, Jr. sa burol ng namayapang brodkaster na si Percival Mabasa o mas kilala bilang Percy Lapid.

Sa kanyang pagbisita sa mga naulilang pamilya ng biktima nangako ang PNP na tututukan nito ang paghahanap ng hustisya sa krimen.

“Kanina nagpunta ako sa wake ni Sir Percy and I gave them the assurance na sisiguraduhin ng ating kapulisan na tututukan at iimbestigahan ang kaso na ito hanggang sa mahuli at ma-identify natin at masampahan natin ng kaso lahat po ng may kinalaman sa kanyang pagkamatay,” pahayag ni Azurin.

Binigyan din ng PNP ng direktiba ang mga tauhan nito na himayin ang lahat ng posibleng anggulo hanggang sa mahanap ang salarin.

Isa sa mga pinatututukan ngayon ang backtracking sa mga dinaanan ni Percy bago mangyari ang insidente.

Kasama na rin ang pagkuha sa mga kopya ng CCTV sa village kung saan nakatira ang biktima.

“Also I give instruction sa ating director ng Southern Police District na himay-himayin nila lahat ng mga dinaanan ni Sir Percy para sa ganun ay makita nila kung sinu-sino ‘yung possible na mga suspects natin. So, we have been coordinating already with the village supervisor to take this CCTV na mga nakuha doon nang sa ganun ay malaman natin, mamukhaan natin kung sino po ba ‘yung gumawa ng karumal-dumal na krimen na ito sa ating kasamahan na ang ginagawa lamang niya ay gampanan ang kanyang trabaho bilang komentarista,” ani Azurin.

Sa ngayon, may mga ilang persons of interest na tinitingnan ang PNP ukol dito bagama’t hindi pa mailahad ang detalye dahil sa nagpapatuloy na imbestigasyon ng mga awtoridad.

“Sa ngayon ay on going pa po ang ating pagdi-determine kung ano po talaga ‘yung motibo dahil nga po may mga maraming personalities na tinitingnan tayo, may maraming mga anggulo. So, at this point in time we are really very careful in determining the motive of the killing of  Sir Percy Lapid,” dagdag ni Azurin.

Hindi pa rin inaalis ang posibilidad na may kinalaman sa trabaho ni lapid ang dahilan sa pamamaril sa kanya.

Kasabay nito, inaalam na rin kung may naikukwentong threat sa pamilya ng biktima ilang araw bago ang pagpatay kasama ang pagsisiyasat kung sinu-sino ang nakausap sa cellphone nito.

Follow SMNI NEWS in Twitter