Cathay Pacific pinagpapaliwanag ng DOTr sa isyu ng nasirang pasaporte sa Cebu

Cathay Pacific pinagpapaliwanag ng DOTr sa isyu ng nasirang pasaporte sa Cebu

PINAGPAPALIWANAG ngayon ng Department of Transportation (DOTr) ang Cathay Pacific kaugnay sa isyu ng passport mishandling sa Mactan-Cebu International Airport noong nakaraang linggo.

Sa ulat ng Civil Aeronautics Board (CAB), ang 65-anyos na pasahero ay dapat sanang sasakay sa isang flight papuntang Dubai noong Abril 24, 2025.

Hindi lang ito natuloy matapos masira umano ang kanyang pasaporte habang hinahawakan ng airline staff.

Sa reklamo ng pasahero, wala aniyang binigay na paliwanag o tulong ang staff ng airline sa kanyang sitwasyon.

Sa halip ay nagpatuloy lamang ito sa pagproseso ng iba pang pasahero.

Nauna nang ipinag-utos ng DOTr sa lahat ng airline na tiyaking walang sinadyang paninira ng pasaporte sa mga paliparan.

Pinaalalahanan din ang mga airport personnel na gamitin ang kanilang awtoridad nang may respeto at responsibilidad.

Samantala, inanunsyo ng New NAIA Infra Corp. na hindi na pinapayagan ang mga airport security personnel na hawakan ang mga pasaporte ng mga pasahero pagpasok ng terminal ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA).

Mismong mga pasahero na lang ang magpapakita nito sa mga personnel para makaiwas sa mga ulat na tinanggihan ng mga airline ang ilang biyahero na makasakay sa eroplano dahil sa sira o depektibong pasaporte.

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble