Chavit Singson, aatras na sa pagtakbo sa pagka-senador, pangalan niya sa balota, hindi na mabubura pa—COMELEC

Chavit Singson, aatras na sa pagtakbo sa pagka-senador, pangalan niya sa balota, hindi na mabubura pa—COMELEC

MAHIGIT tatlong buwan na lamang ay eleksyon na pero may ibang aspirante ang nagdesisyong umatras na lamang sa pagtakbo.

Si Dating Ilocos Sur Governor Chavit Singson, aatras na sa kaniyang kandidatura sa pagkasenador dahil daw sa kaniyang kalusugan.

‘’Mga kaibigan mahalaga ang maayos na kalusugan para ako ay makapagpatuloy sa pagtulong at pagbigay ng saya sa inyong lahat. Kaya matapos ang mahabang pag-iisip nagdesisyon ako na hindi na ako tutuloy sa aking kandidatura sa Senado. Hindi biro ang pagpangampanya lalo na ang trabaho ng isang senador at ayaw ko pong ipilit kung aking kalusugan ang maaring magdusa,’’ ayon kay Chavit Singson Senatorial Aspirant.

Sinabi naman ni COMELEC Chairman Atty. George Garcia na dapat personal na maihain sa COMELEC ang kaniyang withdrawal.

‘’Dapat personal ang withdrawal,’’ saad ni Atty. George Garcia.

Sakali namang umatras na ito ng tuluyan ay hindi na raw mabubura ang pangalan ni Singson sa balota.

Ide-deklara nalang na stray votes ang makukuha nitong boto sa eleksyon.

‘’Kung sakaling matuloy ang withdrawal, di na namin matatanggal pangalan niya sa balota. At kung sakali makakuha ng boto, ide-declare na stray ang lahat ng nakuhang boto,’’ ani Garcia.

Samantala, pinabulaanan na naman ni Sagip Partylist Representative Rodante Marcoleta ang mga kumakalat na balita na muli na naman siyang aatras sa pagkasenador.

Una ng pinabulaanan ng COMELEC ang balitang umatras na ang senatorial aspirant.

Pagdating sa local positions, wala pa naman daw nagwithdraw ng kanilang COC o nagpahayag na aatras.

Samantala, Sinabi naman ni Chairman Garcia, na hindi rehistradong botante sa Tacloban si Romilda Bacale kaya kinansela ng COMELEC ang kaniyang Certificate of Candidacy.

‘’Hindi po siya registered voter ng Tacloban. Lumipat po siya from Sampaloc. Denied ng ERB at ng Courts. Naging final and executory ang decision sa kanya,’’ dagdag ni Atty. Garcia.

Dahil dito, walang makakalaban sa eleksyon si Martin Romualdez na muling tumatakbo sa pagkakongresista sa kaniyang distrito sa Tacloban.

Samantala, mayroon ng naitatalang violators ang COMELEC kasunod ng pagsisimula ng Nationwide Gun Ban.

Mayroong naitala mula sa Navotas, Ilo-Ilo, Cabanatuan, Pangasinan, Maguindanao at Cainta, Rizal.

Una ng sinabi ng COMELEC na ang lahat ng mahuhuling lalabag sa Gun Ban ay makakasuhan at makukulong.

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble