COMELEC, naglabas ng withdrawal form para sa gustong bawiin ang PI forms

COMELEC, naglabas ng withdrawal form para sa gustong bawiin ang PI forms

NAGLABAS ang Commission on Elections (COMELEC) ng form para sa mga nais bawiin ang kanilang pirmang isinumite sa komisyon sa People’s Initiative (PI) para sa pagbabago ng Saligang Batas o Charter Change (Cha-Cha).

Ito ay pagkaraang sabihin ni Sen. Ronald “Bato” dela Rosa sa Senate Committee Hearing on Electoral Reforms and People’s Participation, na may mga indibidwal na nagpahayag ng kanilang intensiyon na bawiin ang kanilang mga lagda sa signature sheets ng PI.

Sa advisory na inilabas ng komisyon, sinabi nitong maaaring makuha at isumite mismo ang withdrawal form sa COMELEC officer sa buong bansa.

Nilinaw naman ng COMELEC na ang pagtanggap nila sa withdrawal form ay para lamang sa mga layunin ng pagtatala at hindi dapat ituring bilang pormal na aksiyon ng komisyon sa mga petisyon kaugnay sa PI.

Hanggang ngayon ay suspindido ang anumang proseso para sa PI.

Samantala, hindi naman matiyak ni Senate President Juan Miguel Zubiri na titigil na ang imbestigasyon ng Senate Committee on Electoral Reforms and People’s Participation sa People’s Initiative para sa Cha-Cha.

Ito’y kahit pa nagkamayan at nagkasundo na sina Zubiri at Speaker Martin Romualdez sa ginanap na ika-100 kaarawan ni Chief Presidential Legal Counsel Juan Ponce Enrile noong Pebrero 14.

Ayon kay Zubiri, hindi naman niya mapipigil ang chairperson ng iba’t ibang komite sa kung ano ang gustong gawin sa mga imbestigasyon.

Magkagayunman, susubukan niya na kumbinsihin kung mahihikayat si Sen. Imee Marcos na tapusin na ang pagsisiyasat sa PI.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble