BINALAAN ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang publiko laban sa online passport appointment scams sa social media.
Ito ay dahil sa lumalaganap na mga advertisement sa social media na nag-aalok ng passport appointment slots at peke o tampered appointment documents sa kalagitnaan ng mataas na demand para sa passport services.
Nag-isyu ang DFA ng abiso matapos magrekamo ang ilang passport applicants sa opisina ng ahensya na nagsabing mayroon itong secured appointments sa social media.
Upang masolusyunan naman ang mataas na demand para sa passport services na sanhi ng implementasyon ng mahigpit na quarantine protocols, nakatakdang buksan ng DFA ang temporary satellite offices nito sa lalong madaling panahon.
Ayon kay DFA Undersecretary Brigido Dular, nais nilang isiguro sa publiko na bubuksan ang nasa sampung satellite office sa lalong madaling panahon upang makapagdagdag ng passport appointment slots.
Ayon sa DFA, nasa 6,100 slots per day lamang ang available ngayon dahil sa restrictions sa venue capacity at mahigpit na implementasyon ng health and safety protocols gaya ng physical distancing.
Ito ay mula anila sa dating inaalok na 13,000 passport appointments slots kada araw bago magkaroon ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) pandemic.
(BASAHIN: Kaduda-dudang link sa Facebook, huwag nang i-click —Tech)