No walk-in policy ng pagbabakuna sa Maynila, palpak — Mayor Isko

No walk-in policy ng pagbabakuna sa Maynila, palpak — Mayor Isko

TINAWAG ni Manila City Mayor Isko Moreno Domagoso na palpak ang  ipinatupad na no walk-in policy sa naging resulta ng bilang ng mga binakunahan sa Lungsod ng Maynila kahapon.

Ito’y matapos  pagbigyan ang kahilingan ng ilang mamamayan sa lungsod na gawin na lamang na  scheduling system ang pagbabakuna para hindi na dagsain ng mga tao ang mga vaccination site sa lungsod.

Kahapon nang ipinatupad  ni Mayor Isko ang ‘no walk in policy’ at scheduling system na lamang para hindi magiging masikip  ang mga vaccination sites sa lungsod ng Maynila.

Ngunit ang inaasahang 28,000 katao na magpapabakuna ay mahigit sa 4,000 lamang ang nagtungo sa vaccination sites.

Aminado si Mayor Isko na maraming empleyado ang hindi nagpunta sa iskedyul ng kanilang pagbakuna kahapon dahil ito ay oras na ng kanilang trabaho.

Ayon kay Mayor Isko noong Marso 2, 2021  ginawa na rin nila ang ganitong sistema sa isang libong taong tineks at inabisuhan  na pumunta sa mga vaccination site para sa kanilang iskedyul ng pagbabakuna,  200 lamang katao ang nagpunta.

Dahil dito pinayagan na lamang ng alkalde ang walk in policy sa mga nais  na magpabakuna sa iba’t ibang vaccination site sa lungsod.

Dagdag ni Moreno simula Disyembre 31 hanggang May 31, 2021, umabot na sa 281,000 ang hindi tumugon sa text messages ng Manila LGU para sa iskedyul ng mga babakunahan.

Samantala kahapon habang  nakamonitor  ang alkalde sa mabagal na bilang ng bakunahan  dahil sa no walk in policy ay agad nagtungo ito sa Robinson’s Manila.

Nakita ng alkalde na marami sa mga nagbabakasakali ang pumipila  kahit walang prior appointment lalo na sa mga senior citizens dahilan upang muli pinayagan nito ang walk in policy ng pagbabakuna.

Ayon kay Yorme,  sa loob lamang ng isang oras at kalahati ay nakapagtala na ito ng 9,639 ang agad na nabakunahan.

Ngayong araw ay tuloy –tuloy ang bakunahan sa lungsod ng Maynila, at pinapayagan na rin ang mga walk in clients.

Mayroong 28, 000 dosis ng bakuna ang nakatakdang i-deploy ngayong araw sa lungsod.

Sa huling tala ang Manila ay mayroon nang halos kalahating milyon ang nabakunahan na kontra COVID-19.

Naniniwala din si Yorme kung bakit nagtagumpay ang Israel sa pagbabakuna ay dahil sa matiyaga at mahabang pasensya ng mga taong pumipila doon para lamang sila ay mabakunahan.

Ginawa ito ng milyon-milyong  mamamayan sa Israel sa loob ng ilang buwan pero wala silang reklamo.

(BASAHIN: Lokal na pamahalaan ng Manila, pinayagan na ang walk-in sa mga vaccination sites)

SMNI NEWS