DOH: ‘Code White Alert’ nakataas sa mga ospital mula Abril 13-20

DOH: ‘Code White Alert’ nakataas sa mga ospital mula Abril 13-20

ISINAILALIM ng Department of Health (DOH) sa ‘Code White Alert’ ang mga ospital at health facility mula Abril 13–20.

Ito’y bilang paghahanda sa mga posibleng aksidente, pagkakasakit, heat stroke, at iba pang health-related incidents ngayong Semana Santa.

Nakahanda ang mga ospital sa pagtugon sa emergency at pagbibigay ng pangunahing serbisyong pangkalusugan.

Kasabay rito, nagbabala si DOH Secretary Ted Herbosa sa publiko kaugnay ng mga heat-related illness dahil sa matinding init ngayong Holy Week.

“So usually, if it’s heat-related illness, it starts with either thirst, very severe thirst tapos you can have a lot of cold sweats… eventually kapag hindi mo nakorek iyon, magko-collapse ka.
If you’re thirsty, you drink plenty of water. If you feel weak… mag-shade ka na or mag-aircon ka na – so very important,”
ayon kay Sec. Teodoro “Ted” Herbosa, Department of Health.

Sinabi ni Herbosa na kadalasang nakaka-recover ang pasyente basta’t maagapan. Pinag-iingat ang mga bata, matatanda, at may karamdaman.

“We do not wait for them na mag-collapse… Prone iyong mga matatanda at mga bata at iyong mga may illness, so make sure these people don’t stay in hot environment,” aniya.

PCG, walang namo-monitor na mga barko na hindi naabot ang safety standard ngayong Semana Santa

Kaugnay pa rin ng Semana Santa, inihayag ng Philippine Coast Guard (PCG) na wala silang namo-monitor na barko na lumalabag sa safety standard.

Sinabi ni Commander Michael John Encina, PCG Deputy Spokesperson, na may mga tauhan silang nagsasagawa ng pre-departure inspection bago ang biyahe ng mga barko.

“Once na hindi po sila mabigyan o ma-provide-an ng clearances ng Coast Guard, their company will be alerted to renew their pertinent documents,” wika ni Commander Michael John Encina, Deputy Spokesperson, Philippine Coast Guard.

Muli ring pinaalalahanan ng PCG, Philippine Ports Authority, at Maritime Industry Authority ang mahigpit na pagbabawal sa overloading.

“So hindi po natin hinahayaan… both in passenger and cargo. Tsine-check natin kung ilan ang dapat sumakay at pati ang mga kargamento para hindi sila lumabag sa overloading,” ani Commander Michael John Encina, Deputy Spokesperson, Philippine Coast Guard.

May mahigpit ding koordinasyon ang PCG sa mga shipping owner, at binalaan silang huwag samantalahin ang okasyon para kumita.

Giit ni Encina, hindi nila papayagang bumiyahe ang anumang barkong overloaded.

Nanatili sa heightened alert ang PCG mula Abril 13, kasama ang deployment ng 17,000 personnel sa mga pier at resort inspection.

Mayroon ding K-9 paneling at deployment ng Coast Guard Auxiliaries sa Malasakit Help Desks sa mga pangunahing pantalan sa buong bansa.

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble