DOH: COVID-19 pandemic sa bansa, hindi pa maidedeklarang kontrolado

KAHIT pa bumubuti na ang COVID-19 situation ng bansa, masyado pang maaga para sabihing tuluyan nang napigilan ang pagkalat ng virus, ayon sa Department of Health (DOH).

Higit pang bumababa ang average daily COVID-19 cases ng Pilipinas sa mga nakaraang linggo, base sa datos ng DOH.

Nanatili ring mababa ang risk classification ng buong bansa na may negative 49% na two-week growth rate at moderate average daily attack rate nitong mga nakaraang linggo.

Sa 121 provinces, highly-urbanized na mga lungsod at independent component cities ng bansa, 89% ay nasa Alert Level 2 na may minimal hanggang low risk case classification, habang ang natitira ay nasa Alert Level 3, at may 1 probinsya na nasa Alert Level 4.

Base naman sa impormasyon ng Our World in Data ng Oxford University noong November 22, 2021, ang Pilipinas ay may mas mababang kumpirmadong kaso at COVID-19 deaths deaths per one million population kumpara sa ilang kalapit na bansa sa ASEAN.

Sa datos naman ng World Health Organization (WHO), pagdating sa mga bansa na may pinakamaraming bilang ng aktibong kaso, nasa ika-65 pwesto ang Pilipinas, ika-134 naman kung ang COVID-19 cases per 100 million ang pag-uusapan, habang ika-120 ang bansa padating sa deaths per million at ika-93 naman kung case fatality rate ang pag-uusapan.

Ayon sa DOH, ang mga ranggo na ito ng bansa ay bumuti mula nang matapos ang pinakahuling naitalang “peak” ng COVID-19 cases noong Setyembre.

Bagama’t ganito ang kasalukuyang COVID-19 situation ng Pilipinas, giit ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire na hindi pa maidedeklarang ‘under control’ o tuluyan nang napigilan ng bansa ang pagkalat ng virus.

Bangit ni Vergeire nakaranas na noon ang bansa ng pagbaba ng bilang ng mga kaso ngunit muli rin itong nakitaan ng pagdagsa ng mga impeksyon.

“We can’t definitely say that. Marami pang uncertain sa mga nangyayari sa atin. So, kailangan natin ng longer period to assess and evaluate what’s happening,” saad niya.

Sinabi din ng health official na iba-iba ang sitwasyon ng bawat rehiyon ng bansa.

Kailangan din natin makunsidera na mayroong ibat’-ibang setting at iba’t ibang sitwasyon ang bawat regional area natin. Maaaring ang NCR mataas na ang bakunahan dito tapos ang ating community response has been intensified,” ani Vergeire.

“But if we compare with other areas in the country, some of the areas in the country mababa pa din ang pagbabakuna, nakikita pa din natin na kailangan pa din tulungan ang mga local governments nila for them to intensify their community response,” dagdag nito.

Saad din ni Vergeire, kailangan ring handa ang health system ng isang bansa bago masabi na nakokontrol na nito ang pagkalat ng COVID-19.

Matatandaang noong Miyerkules sinabi ni Health Secretary Francisco Duque III na hihingi ang DOH ng patnubay mula sa WHO sa pagtukoy sa kasalukuyang istado ng COVID-19 situationsa bansa, kasunod ng ilang araw na less than 5% na positivity rate ng bansa.

Ayon sa WHO, ang isang positivity rate na mas mababa pa sa 5 % ay dapat mapanatili sa loob ng dalawang linggo upang masabi na kontrolado ng isang bansa ang COVID-19 pandemic.

SMNI NEWS