DOH, nakahandang makipagdayalogo sa healthcare workers kaugnay sa kanilang kahilingan

DOH, nakahandang makipagdayalogo sa healthcare workers kaugnay sa kanilang kahilingan

NANGAKO at tiniyak ng Department of Health (DOH) na bukas ang kanilang opisina para dinggin o pakinggan ang mga kahilingan o mga reklamo ng mga healthcare workers.

Sinabi ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire na mainam nga kung makaroon ng dayalogo para maipaliwanag ng DOH ang kanilang punto.

Nilinaw ni Vergeire na lahat naman ng mga benepisyong ibinibigay sa mga health care workers ay dapat nakalatag at nakakasunod sa nakasaad sa mga probisyon ng batas at mga polisiya ng gobyerno.

Aminado naman si Vergeire na may mga pagkakataon din na naaantala ang pagpapalabas ng pondo pero ito anya ay dahil hindi pa rin makapag-comply ang ilang mga ospital sa pagsusumite ng ilang requirements sa mga regional offices.

Samantala, sinita ni Deputy Speaker Rodante Marcoleta ang inilabas na budget report ng Commission on Audit (COA) hinggil sa umano’y maling paggastos ng DOH sa kanilang pondo noong 2020.

Ito ay dahil half-baked aniya ang inilabas na report ng COA.

“Ito’y hindi pupwedeng hindi banggitin sa kanila sapagkat unfair naman kung magtatanong kami sa isang report na hindi pa pala kumpleto, ‘di dapat kwento. Ang tanong, sasabihin mo sa kanila na 59.1 billion (pesos) in unspent funds, eh kinakailangan pa palang kumpletuhin ‘yung mga dokumento. ‘Di man ata makatotohanan ‘yan. Bakit bibigyan mo kami ng isang half-baked report,” pagkwestyon ni Marcoleta.

Mababatid na sa nangyaring pagdinig ng Kamara kahapon ukol dito, natuklasan na may palugit pa lang binigay ang COA sa DOH hanggang Setyembre 27 upang makapagsumite ng kinakailangang dokumento.

Subalit ang nangyari, nauna na ang media sa paglantad at pagpapahiya sa DOH na umano’y may nangyayari ngang korupsiyon sa ahensya batay sa COA report na P67 billion na discrepancy.

BASAHIN: Healthcare workers na maaring magtrabaho sa abroad, itinaas sa 6,500 deployment cap

SMNI NEWS