INIREKOMENDA ng Department of Justice (DOJ) kay Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos, Jr. ang pagbibigay ng executive clemency sa humigit-kumulang 300 persons deprived of liberty (PDL) sa mga pasilidad ng bilangguan ng Bureau of Correction (BuCor).
Ayon kay DOJ spokesperson Jose Dominic F. Clavano IV, mayroong humigit-kumulang 300 sa kanila na para sa executive clemency at ito ay magmumula sa Board of Pardons and Parole (BPP).
Sinabi ni Clavano na inihahanda na ni DOJ Undersecretary Deo L. Marco, na miyembro din ng BPP ang listahan.
Aniya isusumite ang listahan sa Huwebes ng hapon o Biyernes ng umaga sa Office of the President at Office of the Executive Secretary.
Samantala umaasa naman ang DOJ na pipirmahan ng Pangulo ang grant of executive clemency sa kanyang kaarawan sa Setyembre 13.