BINAWI na ng Korte Suprema ang temporary restraining order (TRO) na ipinalabas noong 2016 na nagsasabing sa national election lang pinapayagang makaboto ang mga preso o persons deprived of liberty (PDL) at hindi sa local elections.
Ito ay matapos ibinasura ng Supreme Court ang petisyon laban sa Commission on Elections Resolution 9371 o patakaran at regulasyon sa pagpapatala at pagboto ng mga bilanggo noong May 2013 national at local elections at sa mga susunod pang botohan sa bansa.
Ikinatuwa naman ng COMELEC ang desisyon ng Korte Suprema dahil magbibigay-daan aniya ito sa paninigurong pagkakapantay-pantay ng lahat sa paglahok sa halalan.
Partikular sa mga makikinabang dito ay mga presong naghihintay pa ng sentensya, nahatulan ng wala pang isang taon na pagkakabilanggo, at ang mga parusa na nakaapela pa ang ibinabang hatol.
