Dredging sa Marikina River at mga creek, patuloy kahit tag-ulan

Dredging sa Marikina River at mga creek, patuloy kahit tag-ulan

Patuloy ang dredging operations ng Marikina City sa mga ilog, creek at iba pang waterways sa lungsod.

Kamakailan, nagsagawa ang City Engineering Office ng dredging operation sa Balanti creek sa kahabaan ng Katipunan extension corner Sumulong Highway sa Barangay Sto. Niño.

Layunin nitong alisin ang naipong putik at basura at mapanatiling maayos ang daloy ng tubig.

“Regular na minementina ang mga creek at iba pang waterways upang mapanatiling maayos ang daloy ng tubig at makatulong na mabawasan ang panganib ng pagbaha,’’ ayon sa Marikina PIO.

Ayon sa lokal na pamahalaan, bahagi ito ng regular na pagmementina sa mga creek at waterways, lalo na sa panahon ng tag-ulan.

Hindi lamang Marikina River ang sakop ng maintenance operations, kundi pati ang maliliit na daluyan ng tubig sa mga barangay.

Kasabay ng waterway maintenance, ipinagpapatuloy din ng lungsod ang mga programa sa waste management at recycling.

Gumagamit ang Marikina ng mga trash catcher upang mapigilan ang pagdaloy ng basura sa mga downstream area.

Ang ilang nakokolektang plastic ay pinoproseso at muling ginagamit bilang materyales.

Kabilang din sa mga recycling initiative ang paggamit ng naprosesong plastic bilang materyales para sa paggawa ng mga desk at iba pang gamit.

Samantala, binigyang-diin ni Mayor Maan Teodoro ang pakikipagtulungan ng lokal na pamahalaan, mga komunidad at residente sa pagpapanatili ng malinis na kapaligiran.

“Ito’y bunga ng sama-samang pagkilos ng lokal na pamahalaan, ng mga komunidad at mga residente na nagnanais ng isang maayos at malinis na lungsod na malayo sa baha at may maayos na sistema sa pangangalaga ng ating kapaligiran,’’ saad ni Mayor Maan Teodoro, Marikina City.

Kasabay nito ay hinikayat din ng lokal na pamahalaan ang mga residente na sumunod sa mga alituntunin sa wastong pagtatapon ng basura at makipagtulungan sa pangangalaga ng mga waterways.

“Kailangan nating lahat na magtulungan, sumunod sa mga alituntunin at maging responsable sa ating mga basura at sa ating mga kapaligiran,’’ ani Mayor Maan Teodoro.

Follow SMNI NEWS in Twitter