Duterte kay Marcos: Baka sumunod ka sa yapak ng iyong ama kung ipipilit ang Charter change

Duterte kay Marcos: Baka sumunod ka sa yapak ng iyong ama kung ipipilit ang Charter change

IPINALIWANAG ni dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte ang para sa kaniya ay totoong layunin ng pagsusulong ngayon sa Charter change (Cha-cha).

“Pero, sisimulan ko sa pamamagitan ng pagbabasa ng ating Konstitusyon. Ang Saligang Batas din ang buong Pilipino. Pati mga ipis susunod diyan dahil yan ang dokumento ng Constitution of the Republic of the Philippines,” pahayag ni Dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte.

Nag-ala law professor si dating Pangulong Duterte sa harap ng libu-libong tao sa Defend the Flag Peace Rally kamakailan sa Tagum City.

Ang paksa ng kaniyang lecture, ang term limits ng Presidente at Bise-Presidente sa ilalim ng 1987 Constitution.

Saad niya, malinaw na 6 years lang ang term limit sa mga nabanggit na puwesto.

“The president, uulitin ko, the president shall not be eligible for any reelection, no persons who has succeeded him as vice president and serve for such for more than four years shall be qualified for election to the same office… duha ni, presidente ug bise presidente,” dagdag ni FPRRD.

Pero sa mga nangyayari ngayon, hindi mapakali ang dating Presidente sa pagsusulong ng administrasyon sa Charter Change (Cha-cha).

Term extension umano kasi ang tunay na pakay rito ng administrasyon.

Kaya ang sana’y pahinga niya sa politika, naudlot dahil sa isyu ng Cha-cha.

“Hindi na sana ako sasali pero napilitan ako dahil hindi ko na nagugustuhan ang nangyayari ngayon sa bansa” ani Duterte.

“Dalawa lang, dalawang kataga lang. For the term of 6 years shall be eligible for another reelection hanggang sa kanilang kamatayan” ani FPRRD.

Nauna nang sinabi ni Duterte na hindi siya tutol sa Cha-cha basta’t hindi makikinabang ang mga nakaupo ngayon sa pamahalaan.

Kasama na diyan ang kaniyang anak na si Vice President Sara Duterte.

Matatandaan na isyu kamakailan ang signature campaign o ang kontrobersiyal na People’s Initiative (PI) para amyendahan umano ang Economic Provisions ng 1987 Constitution.

Pero ani Duterte, hindi economic provision kundi term limits ang nais amyendahan ng mga nagsusulong ng PI.

“Alam mo, nakakarindi itong isang tao, isang administrasyon na nais baguhin ang Konstitusyon. Para baguhin, tanggalin ang anim na taon at dagdagan. Kasi dito, isang termino, anim na taon lang. Ngayon, gagawa sila ng bagong Konstitusyon—’yan ang tinatawag na Cha-cha, Constitutional change,” diin ni FPRRD.

“Ang nagpapatakbo nitong lahat, si Liza Marcos. Tapos, ang kaniyang long-term goal, ang gusto ni Liza Marcos, gawin ring presidente ang kaniyang anak,” saad ni Atty. Glenn Chong, Anti-Election Fraud Advocate.

May babala naman ang beteranong opisyal kay Pangulong Marcos kung talagang ipipilit nito ang Cha-cha.

“Mr. President, I hope that you would be able to recall what happened to your Father. See to it baka sumunod ka sa yapak ng iyong ama kung iyong ipipilit,” wika ni FPRRD.

“Huwag kayong papayag, ‘yan lang ang aking mensahe. Huwag kayong papayag. Bakit? Karapat-dapat bang magtagal si Marcos? (hindi) karapat-dapat ba siyang bigyan ng termino? (hindi) ano ang kaniyang abilidad? (bangag),” ayon pa kay Duterte.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble