VP Robredo, binuweltahan sa akusasyong extortion ang paghingi ng bayad para sa VFA

MARIING pinabulaanan ng Palasyo ng Malakanyang ang akusasyon ni Vice President Leni Robredo na isang ‘extortion ang ginawang hakbang ng pamahalaan sa gitna ng paghingi nito ng bayad para sa Visiting Forces Agreement o VFA sa pagitan ng Pilipinas at ng bansang Amerika.

“I would like to put on notice if there’s an American agent here that from now on, you want the Visiting Forces Agreement done? Well, they have to pay. It’s a shared responsibility, but your share of responsibility does not come free. Because after all, when the war breaks out, we all pay.”

Ito ang pahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte kung nais ng Estados Unidos na mapanatili ang VFA sa pagitan ng dalawang bansa.

Kasunod nito, nagbitaw ng pahayag si VP Robredo kaugnay dito at inihalintulad sa pangingikil ang paghingi ni Pangulong Duterte ng bayad mula sa Amerika para sa pagpapatuloy ng mga aktibidad sa ilalim ng VFA at sinabing parang gawain lamang ito ng isang kriminal.

“Parang extortion lang …parang kriminal eh gusto mo nito magbayad ka muna…hindi naman ganun ang pag-treat sa atin ng ating mga partners,” ayon pa kay Robredo.

Sa isang pulong balitaan, sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque na hindi extortion ang naturang hakbang, bagkus, ito ay pagtaguyod ng pang-nasyunal na interes ng mga Pilipino.

Paliwanag ni Roque, maituturing na valid military target ang Pilipinas saka-sakaling masangkot sa digmaan ang Estados Unidos dahil sa presensya ng kanilang base militar dito sa bansa.

Batay naman sa pag-aaral ng Stimson Center Study Group on Counterterrorism Spending, sabi ni Roque na kung ikukumpara ang halaga na ibinibigay ng Amerika sa Pilipinas na nagkakahalaga ng P3.9 bilyong kaysa ibang bansa gaya ng pakistan na P16.4 bilyon, ay barya lamang ang natatanggap ng Pilipinas.

Sa harap nito, binigyang diin ng tagapagsalita ng Palasyo na ang sisingilin na bayad para sa VFA ay gagamitin ng gobyerno para sa pagresponde sa patuloy na nararanasang COVID-19 pandemic.

“Dahil marami tayong gastusin sa COVID-19, bakit hindi tayo sumingil? Ang perang makukuha natin, magagamit natin para sa Covid response natin,” ayo pa ni Roque.

Kaugnay nito, nauna na ring Inihayag ni pangulong duterte na ang VFA ay kapwa responsibilidad ng dalawang bansa o “shared responsibility” kaya dapat lamang na magbayad ng upa ang pamahalaang Amerika sa Pilipinas.

SMNI NEWS

Leave a Reply

Your email address will not be published.