HINDI pa matitiyak ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) kung kailan maaaring alisin ang ipinatutupad na fishing ban sa probinsiya ng Cavite.
Ito ay matapos kumalat ang oil spill sa baybayin ng Cavite dahil sa paglubog ng MT Terranova sa Limay, Bataan kamakailan.
Apektado ng oil spill ang Bacoor, Kawit, Noveleta, Rosario, Tanza, Naic, Maragondon, at Ternate kaya’t isinailalim na ito sa state of calamity ilang linggo na ang nakaraan.
Dahil dito, ipinagbabawal ng BFAR ang panghuhuli ng mga lamang-dagat dahil sa posibleng panganib na maidulot nito sa tao.
“May sinusunod tayong scientific protocols in terms of declaring whether or not in a particular area can be declared negative of traces of oil increase.”
“So, dumadaan ‘yan sa proseso dahil ito ay science base, dumadaan sa laboratoryo.”
“Sa ngayon, hindi pa natin inirerekomenda ang pag-lift ng fishing ban doon sa Cavite.”
“Makukumpromiso rito ay ang kaligtasan ng publiko kasi kung may bakas pa nung grasa at krudo ay hindi ito maganda sa kalusugan ng ating publiko,” pahayag ni Nazario Briguera, Spokesperson, BFAR.
Batay sa datos ng BFAR, higit 28K na mangingisda sa Region 3, Region 4A at National Capital Region (NCR) ang apektado dahil sa oil spill.
Aminado ang BFAR na malaki-laki na rin ang nawawalang kita ng mga mangingisda kada araw subalit tuluy-tuloy naman ang pamamahagi nila ng ayuda sa mga apektadong mangingisda.