HINDI umano dumaan sa due process ang ginawang pagpapatalsik kay Davao del Norte Gov. Edwin Jubahib.
Ito mismo ang ikinasasama ng loob ng gobernador kasunod ng pagsabing dapat ay inimbestigahan muna siya sa mga kasong ipinupukol sa kaniya bago man lang siya tinanggal sa puwesto.
Naniniwala siya na malaking bagay ang pagpayag niyang isagawa ang Maisug Rally sa Davao del Norte para pag-initan siya ng administrasyong Marcos.
“Ito po kasama iyan, ‘yan malaking involvement talaga dahil ang coming na Maisug Rally na gaganapin sa Abril 14 ay dahil dito biglang umuusbong ang init laban sa akin, ito talaga sa naging dahilan ang pagpayag ko na dito ganapin ang Maisug Rally, so wala may Constitution naman, alam natin na wala puwedeng makapigil sa taumbayan kung may gusto sila iparating sa taumbayan lalo na sa lingkod bayan,” saad ni Juabahib.
Sa katunayan ang bagong talaga ng administrasyong Marcos na si Davao del Norte Vice Governor De Carlo “Oyo” Uy bilang kapalit ni Jubahib ay agad na ipinag-utos ang pagpapatigil sa mga rally na isasagawa sa Davao del Norte.
“Hindi nila naisip na mas lalong magalit ang taumbayan, ngayong gabi nag report sa akin dito sa PNP Davao del Norte na itong acting governor na ininstall nila Vice Governor Oyo Uy, nag-order na sa PNP na i-disperse na ang mga rally dito sa Davao del Norte, huwag daw payagan,” ayon pa kay Jubahib.
Bagong talagang gobernador ng administrasyong Marcos sa Davao del Norte, sabit sa ayuda scam—Gov. Jubahib
Bukod pa rito, isa rin sa tinitingnan niyang dahilan ay ang paglalantad niya sa ayuda scam. Sabi ni Jubahib, sabit din sa scam ang ipinalit ng administrasyon sa kaniya.
“Hindi naman ako nagsisisi dahil tumayo bilang isang elected official at ito pang ininstall nila, kasama ito sa mga naimbestigahan talaga, itong right hand niya iyon ang kumukuha sa mga pera.”
“Alam nyo kinakausap nila ako ‘nung na expose ko na itong problema na ito pero hindi ko sila hinarap nag-invite pa sila sa akin, ang nag-invite pa sa akin ang staff ni Anton Lagdameo after na ma-expose ko itong ayuda scam kaya sa tingin ko ito ang dahilan kung bakit galit sakin si SAP,” dagdag ni Jubahib.
Gusto ring paimbestigahan ni Jubahib ‘yung mga nasa likod ng pamumudmod ng pera dahil marami sa kaniyang mga kababayan ang naloko. Sa katunayan nga aniya ay may namatay pa matapos na hindi matanggap ang eksaktong ayuda mula sa gobyerno.
“Kaya nga ito dapat imbestigahan natin sino ang utak nito dahil ang pinapamigay na pera ay galing sa Tingog Party-list ang laki ng mukha nila.”
“‘Yung mukha nila ang nakalagay parang isang wall ng building ‘yung mukha ni Cong. Yedda, Speaker Martin Romualdez, Pres. Marcos at ‘yung local officials na tandem nila na political elected sa Davao del Norte,” aniya.
Sa kabila naman ng kinakaharap ngayon ng gobernador, nanawagan pa rin ito sa taumbayan na maging mapagmatyag at huwag hayaang mapunta lamang sa wala ang narating ng bansa noong panahon ni dating Pangulong Duterte.
“Bilang Gobernador ng Davao del Norte dapat tayo ay maging vigilant at maging mapagmatyag sa mga nangyayari sa bansa ngayon huwag natin hayaan na mawala ang narating ng bansa noong panahon ni dating Pang. Duterte, magtulungan po tayo na hindi mabagsak ang ekonomiya ng bansa, safety po ang ating mga bata, safety ang taumbayan ng bansang Pilipinas,” diin nito.