Grupo ng mga magulang, nangangamba sa proteksiyon ng kanilang mga anak kasunod ng pagsuporta ni Sen. Loren sa CPP-NPA

Grupo ng mga magulang, nangangamba sa proteksiyon ng kanilang mga anak kasunod ng pagsuporta ni Sen. Loren sa CPP-NPA

PINANGANGAMBAHAN ng grupo ng mga magulang ang biglaang pagtatanggol ni Senador Loren Legarda sa makakaliwang grupo na CPP-NPA-NDF.

Ikinatatakot at hindi makapaniwala ang League of Parents of the Philippines sa ginawang pagtatanggol ni Sen. Legarda sa komunistang teroristang kilusan na CPP-NPA-NDF.

Sa panayam ng SMNI News kay Remy Rosadio, presidente ng League of Parents of the Philippines, tinutulan nito ang mungkahing pagrebyu sa Anti-Terror Law dahil ito lamang aniya ang nakikitang proteksiyon ng kanilang mga anak mula sa mga panlilinlang at recruitment na ginagawa ng CPP-NPA sa bansa.

“Ako bilang isang magulang at the same time presidente ng League of Parents of the Philippines ay talagang nananawagan ako na ang Anti-Terror Law ay i-implement na at ‘yung mga mambabatas ay kilalanin nila na talagang ligal ‘yang batas na ‘yan dahil in-approve na ‘yan eh. At saka ‘yan ang hiningi naming mga magulang dahil sa tinuring namin ‘yan ang proteksiyon natin lalo na ng mga kabataan natin at ng mga mahihirap nating mga kababayan para hindi na sila mabiktima ng mga CPP-NPA-NDF, nung mga NPA na nangha-harass sa kabundukan, sa mga liblib na mga probinsiya, sa mga kabataan natin na inosente na binibiktima nila,” pahayag ni Rosadio.

Pakiusap ng grupo sa mga mambabatas at opisyal ng pamahalaan na huwag galawin ang Anti-Terror Law at ipatupad ito sa lalong madaling panahon para matigil na anila ang kasamaan ng CPP-NPA-NDF sa bansa

Giit pa ng grupo, mismong mga opisyal ng pamahalaan ang dapat na manguna sa pagpatutupad ng batas at hindi sila ang bumabali nito.

Nauna nang sinabi ng League of Parents of the Philippines na pinanghihinayangan nila ang ibinigay nilang suporta kay Legarda noong nakaraang eleksiyon kung nalaman lang nila na supporter pala ito ng mga komunista.

“Kung alam natin na noon pa lang supporter na siya ng CPP-NPA-NDF, kami mismo sa League of Parents of the Philippines ay ikinampanya natin n huwag siyang botohin gaya ng ginagawa natin sa iba pang mga tumakbo na mga kakampi ng CPP-NPA-NDF. Nabulag tayo ni Senador (Loren),” ayon pa ni Rosadio.

Sa kabilang banda, kung magpapatuloy pa rin anila si Legarda sa paninindigan at pagkampi nito sa CPP-NPA, nakahanda ang grupo ng mga magulang sa bansa na libutin ang buong Pilipinas para magsagawa ng rally at information campaign laban sa kasamaan ng CPP-NPA-NDF sa bansa limang dekada na ang nakararaan.

“Tayo naman, pakiramdaman natin kasi kung talagang ganoon ang kanyang kulay at talagang inilalabas niya ang totoong kulay niya, kami naman sa League of Parents of the Philippines balik tayo sa kalsada, magsama-sama tayo para ikampanya ‘yan para ‘yung Anti-Terror Law na ‘yan at ma-implement na at hindi na nila mapakialaman,” ani Rosadio.

 

Follow SMNI News on Twitter