MAHIGPIT na minomonitor ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. ang halaga ng piso ng Pilipinas laban sa US dollar.
Ito ang inilahad ni Press Secretary Trixie Cruz-Angeles sa Palace briefing ngayong araw.
Ayon sa kalihim, bagama’t hindi napag-usapan ang usapin ukol sa mahinang peso value sa ika-siyam na Cabinet meeting nitong umaga ng Martes, ay tiniyak naman ng pamahalaan na regular itong binabantayan.
Matatandaang noong Biyernes, mas lalo pang sumadsad ang halaga ng Philippine peso kontra sa US dollar kung saan nagsara ang palitan sa P58.50 bawat dolyar.
Maituturing na historic record low ang naturang ikaapat na sunod-sunod nang pagsadsad ng halaga ng piso.
Kaugnay dito, sinabi ni Cruz-Angeles na mahigpit ang koordinasyon ng Punong Ehekutibo sa economic team hinggil sa nasabing usapin.
“As you know naman that the inflation rate isn’t due to any local factors it’s really about the exchange rate, but it is a matter for the President which the President closely monitors on a regular basis,” ayon kay Cruz-Angeles.
Matatandaang inihayag ni NEDA Undersecretary for Policy and Planning Rosemarie Edillon na umaasa silang pansamantala lamang ang paghina ng halaga ng piso.
Sa pagtaya ng NEDA, inaasahan ng ahensya na magkakaroon ng stabilization ng piso laban sa dolyar pagsapit ng Nobyembre o Disyembre.
Saad ni Edillon, ito ay kapag maraming pumasok na holiday remittances at pamasko na padala na makatutulong na magpalalakas ang piso.